Mag-imbita ng foreign investors at isulong ang taxation reforms!
SENYALES na patungo sa malusog na kalakalan, bagama’t pagpapadama pa lamang nang interes ang nasasagap natin mula sa mga dayuhang mamumuhunan sa ating bayan. Isaayos na ang programang pangkabuhayan na dudugtong sa mga negosyong ilalatag nila sa bansa. Iwasan ang managinip ng panlalamang!
Hindi man maituturing na naghihirap ang bansa, tanggapin na hindi tayo makakatindig mag-isa sa lawak ng teknolohiya. Meron man mga batikan at maasahang technologists, kulang pa rin tayo ng mga makabagong pasilidad. Puro kasi sugalan ang itinatag ng nakaraang pamunuan. Limpak na salapi mula sa “tong” ang nakolekta, pero ewan kung saan napunta. Tama ba Andrea Domingo?
Marapat na magbuo ng mga kooperatiba sa mga kanayunan. Sanayin ang bawat isa na magtrabaho ayon sa pangangailangan. Gayahin ang Japan at ibang masasaganang bansa na kahit may unyon ng mga manggagawa, isinulong nila ang profit sharings system. Estupido na lang ang mag-aaklas kung kapartner ka sa industriya. Di ba?
Mas mabuti pang repormahin ang taxation systems. Rektahang ibahagi sa mga manggagawa bilang profit sharing ang kabahagi ng buwis na dapat kokolektahin sa mga negosyante. Tataas ang koleksyon ng gobyerno dahil papasok naman sa income tax ang dibidendo ng mga manggagawa. Tama ba?
Kung maisasakatuparan ang ugnayan ng gobyerno at foreign investors, mas makabubuting pag-ugnayin din ito sa mga negosyante natin. Bigyan ng insentibo ang makapagbibigay ng trabaho sa pamamagitan ng libreng construction permits, business permits at clearances. Bumawi na lamang tayo sa taxes. Iwasan din ang pangongotong at pambubudol ng mga pulitiko lalo na ang mga local government officials. Pektus pa lang ‘yan!
Kung may dibidendo, tiyak na sisipagin ang mga manggagawa para lumaki ang kita ng kanilang kompanya taun-taon. Huwag lang dadayain ng mga accountant. Yahooo!
- Latest