HINDI dapat palampasin at dapat na maturuan ng leksyon ang gurong sa unang araw pa lang yata ng pasukan eh ‘nababagot’ na agad.
Ito ay makaraang nagpakita na agad ng kanyang pagiging ‘bully’ sa kanyang batang estudyante sa Camarines Norte.
Mukhang hindi pa kuntento si ma’am sa bakasyon, parang ayaw pang pumasok kaya kabubukas pa lang ng klase mainit na ang ulo.
Naging viral sa social media ang post ng isang netizen tungkol sa dinanas ng kanyang pamangkin na Grade 5 pupil, sa unang araw ng klase.
Sa kanyang ibinahagi, sabik na sabik pa naman umano ang kanyang pamangkin sa unang araw ng pagbabalik eskuwela dahil nga makalipas ang ilang taon ay may face-to face na.
Ang kasabikan, eh napalitan ng tila bangungot na nagsanhi upang ayaw nang pumasok ng kanyang pamangkin dahil sa kahihiyan natamo sa guro na tila hindi excited sa pasukan.
Sa salaysay ng netizen, umuwi umanong umiiyak ang kanyang 10-anyos na pamangkin na hindi na nasabi ang nangyari sa kanya kundi isinulat na lamang nito.
Aba’y kahit naman sino mato-trauma kapag ganito ang teacher mo. Sinabihan umano ng guro ang bata ng masasakit na salita katulad ng bobo, bruha at hayop.
Naku naman ma’am tamang asal po ba ‘yan? ‘Yan po ba ang ituturo at ipapamulat ninyong ugali sa inyong mga inaalagaang mag-aaral.
Naku po hindi ito bagay na guro, baka ang mga estudyante hahawakan nito lumaking maton at siga, kasi ‘yun ang ugaling ipinapakita niya.
Binabantayan nga ang mga bully sa iskul, eto titser pa ang mismo ang grabeng mam-bully.
Baka naman ma’am sawa na kayo sa pagtuturo, kung ganun kalas na, wag ibunton sa mga mag-aaral ang galit o bigat na pasan sa buhay.
Kinumpirma na rin ng Department of Education (DepEd) na iniimbestigahan na ang naturang guro at ginagawan na ito ng kaukulang aksyon.
Huwag sana itong makatulugan, marami ang mga nagiging sumbong sa ilang mga guro na hindi na nalalaman kung ano ang kinahinatnan.
Ito ang ating aantabayanan kung ano ang magiging kaparusahan para hindi na mapamarisan.