ISANG lalaki ang namatay at sa kasamaang palad ay sa impiyerno siya napapunta. Pagpasok pa lang ay natuklasan niyang may iba’t ibang pagpipiliang impiyerno — German Hell, American Hell, Russian Hell at Filipino Hell. Bago mamili kung saan siya papasok, inisa-isa muna niya kung paano magparusa sa apat na Hell.
Sa German Hell, nakita niyang pinauupo muna ang tao sa nagbabagang electric chair ng isang oras. Pagkatapos ay pahihigain sa papag na may nakausling mga pako. Habang nakahiga ay lalatiguhin ang tao ng isang German devil nang walang tigil sa loob ng isang oras. Matikas ang German devil kaya malakas siyang humampas ng latigo. Natakot ang lalaki.
Sunod niyang sinilip ang Russian Hell at pagkatapos ay American Hell. Nalaman niya na walang pagkakaiba ang pagpapahirap na ginagawa sa Russian at American Hell. Pero mas malalakas at malalaking tao ang Russian at American devil na taga-latigo dahil ang American ay dating boksingero; samantalang ang Russian naman ay dating wrestler. Mabibigat ang mga kamao kaya lumalatay talaga ang bawat hampas ng latigo.
Huli niyang pinuntahan ang Filipino Hell. Aba, maraming nakapila. Nagtanong ang lalaki sa mga nakapila.
“Ano bang parusa ang ginagawa sa Filipino Hell at tila lahat ng bagong pasok ay ito ang pinipili?”
“Kung ano rin ang ginagawa sa German, American at Russian Hell. Kaya lang mas madalas ang brownout kaya hindi umiinit ang electric chair. Ang hinihigaan na papag ay naubusan na ng pako dahil laging may nagnanakaw para ibenta sa ibang Hell. Ang Filipino devil naman na taga-latigo ay mas matagal pa ang ginugugol sa pagmemeryenda sa canteen kaysa asikasuhin ang kanyang trabaho. Tapos may sisingit pang mga “Marites” devil na magkukuwento ng kung anu-anong latest tsismis. Sa sobrang aliw sa pakikinig ng tsismis, 10 minuto na lang ang natitirang oras para manlatigo sa halip na isang oras. Dagdag pa rito, siyempre busog kaya medyo tinatamad-tamad, kaya ang ending, mahina lang siyang pumalo.”