MARAMING healthcare workers (HCWs) ang hanggang sa ngayon ay hindi pa natatanggap ang kanilang pandemic allowances. Patuloy silang naghihintay sa pagkilos ng pamahalaan. Sana maibigay na raw lalo pa’t nagsitaasan na ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang problemang ito ang nararapat unahin ni DOH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire. Itinalaga si Vergeire ni President Marcos Jr. noong Miyerkules. Nangako si Vergeire na gagawin ang lahat nang makakaya para makapaglingkod sa mamamayan. Nagpasalamat siya kay Marcos sa pagkakataon.
Kung maipaprayoridad ni Vergeire ang kapakanan ng HCWs, mapipigilan ang exodus ng mga ito. Sa kasalukuyan, marami sa HCWs partikular ang mga nurses ang nangingibang bansa sapagkat masyadong mababa ang suweldo nila sa mga pinaglilingkurang ospital. Ayon sa report, ang mga nurses sa pribadong hospital ay sumasahod lamang ng P10,000. Bukod sa mababang suweldo, hindi rin umano binabayaran ang kanilang overtime.
Ang sentimyento ng HCWs ukol sa hindi pa natatanggap na allowances ay pinatotohanan naman ni Dr. Jose de Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI). Ayon kay De Grano, maraming HCWs sa pribadong ospital ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang COVID allowance.
Nakapagtataka naman kung bakit naaatrasado ang pagbibigay ng allowance gayung may batas na ukol sa pagbibigay ng allowance. Noong Abril 2022, nilagdaan ni dating President Rodrigo Duterte ang Republic Act 11712 (Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act). Sa ilalim ng batas, ang lahat ng Health care and non-health care workers ay makatatanggap ng health emergency allowance sa bawat buwan ng kanilang serbisyo sa panahon ng pandemya tulad ng COVID-19 depende sa risk exposure categorization: P3,000 para sa mga nagtatrabaho sa low-risk areas; P6,000 sa “minimum risk areas; at P9,000 sa “high-risk areas.
Umaasa ang HCWs na sa pagkakatalaga kay Vergeire, magkakaroon ng pagbabago sa DOH at maisasakatuparan na ang tamang oras na pamamahagi ng kanilang allowances at mga benepisyo. Hindi sana biguin ni Vergeire ang HCWs.