Cookies sa websites: Dapat bang tanggapin o tanggihan?

KADALASAN, kapag nagbubukas tayo ng mga website, may lumalabas na mensahe rito na nagtatanong kung tatanggapin o tatanggihan ang mga cookies na kasama ng naturang website.

Hindi ito iyong cookies na kinakain. Ayon sa  ilang mga eksperto, ang mga cookies sa website ay mga textfile na nakaimbak sa isang web browser ng gumagamit ng computer o internet. Tinutunton at kinokolekta ng mga cookies na ito ang mga data mula sa iyong browser at ipinadadala ang impormasyong ito pabalik sa website na iyong binubuksan.

Sa isang ulat sa HuffPost, sinabi ng computer expert na si Cris Angulo ng JustAnswer.com na  ang pagtanggap sa mga cookies ay isang personal na desisyon sa website na iyong binibisita. Hinayaan kang pumili kung gusto mo silang bigyan ng data na magagamit nila para mapabuti ang iyong karanasan sa mga website. Ipinahiwatig niya na isang kabutihan sa pagtanggap ng cookies ay hindi ka na paulit-ulit na magtipa ng iyong user name at password tuwing papasok ka sa isang website. Kapag gumagamit ka ng Facebook, LinkedIn at Twitter halimbawa, meron nang mga cookies na nakapasok sa iyong computer. Pero may mga website na hindi mo mabubuksan pagkaraang i-decline mo ang kanilang cookies.

Gayunman, ipinapayo ng ilang mga eksperto na tanggapin lang ang mga cookies mula sa mga website na iyong pinagkakatiwalaan at encrypted.

Sinasabi ng isang computer science at electrical engineering professor na si Tim Finin ng University of Maryland, Baltimore na merong tatlong klase ng cookies na tipikal na ­nakakaharap natin at ito ay ang session cookies na ligtas, makabuluhan para sa mga user, tumutulong sa website na makapagdeliber ng mga content na nababagay sa iyong device at awtomatikong nabubura ang mga ito kapag isinasara mo ang iyong browser; persistent cookies na nililikha ng mga website na iyong binibisita at nakaimbak sa iyong device.

Nakikilala nito ang mga return visit at natatandaan ang mga helpful things tungkol sa iyo tulad ng iyong account. Maaari lang itong ma-accesses ng website na lumikha nito; at ang third party cookies na lubhang mapanghimasok at hindi gaanong kapaki-pakinabang. Ito ang mga cookies na gawa ng third parties. Hindi ito mga textfile na likha ng mga website. Ang mga third parties na ito ay maaaring mag-‘save’ at magsama-sama ng mga impormasyon hinggil sa mga aktibidad mo sa internet na kapaki-pakinabang sa marketing.

Sinabi pa pa ni Finin na puwede mo namang i-block ang third-party cookies kung ayaw mong matunton ng mga ito ang ginagawa mo sa internet.

Paliwanag ni Roberto Yus, computer science assistant professor ng University of Maryland, Baltimore, kapag klinik mo ang “allow all cookies”, binibigyan mo ng ganap na kalayaan ang website na mag-install ng dose-dosenang third-party cookies at trackers.

Sinasabi pa ng mga eksperto na dapat tanggapin ang mga cookies mula sa mga website na pinagkakatiwalaan mo at madalas mong gamitin. Hindi anila makaiiwas na tanggapin ang mga cookies na ito.

* * *

Email: rmb2012x@gmail.com

Show comments