Federalismo ang solusyon, para mabawasan ang korapsyon

NASA kabundukan at kabukiran ang tugon sa banta ng gutom. Kapos na ang supply ng pagkain sa kalunsuran, kaya napipilitan na tayong umangkat ng bigas at gulay sa ibang bansa. Maliwanag na marami sa naghihirap at naninirahan sa mga depressed areas ay mga taga-probinsiya na naengganyong makipagsapalaran sa kalunsuran. Dito rin halos lahat naninirahan ang mga tirador nilang congressman.

Marami ang nagsimula sa pagpapaaral ng anak. Napilitang humanap ng trabaho sa kalunsuran ang mga magulang. Hanggang sa makapag-asawa na ang anak na pinag-aral at mawili nang manirahan sa kalunsuran, samantalang may iniwang kabuhayan sa probinsiya.

Nakasentro ang administrasyon ng buong bansa sa Kamaynilaan. Narito ang lahat ng opisina ng departamento ng  pangangasiwa sa bansa. Hindi napapagtuunan ng sapat na pansin ang nasa probinsiya lalo pa kung ang mga naiboboto nilang congressman ay tamad at pansariling kapakinabangan ang inaatupag. Hindi nga nila halos alam kung papaano ginagastos ng c­ongressman nila ang pork barrels na nadadagit ng mga ito sa kongreso.

Kung maisasakatuparan ang pagbabago ng sistema ng gobyerno tungo sa federalismo, sisibol ang inisyatiba ng mga local at regional na opisyales. Makiki­pagtagisan ng kakayahan sa pagsasaayos ng batas ayon sa pangangailangan ng kanilang rehiyon at  komersiyo. Ang national government ay magiging gabay na lamang para sa pambansang seguridad.

Minamaliit ng marami ang kakayahan ni Sen. Robin Padilla. Pero markado sa isipan ng mga botante ang agresibong layunin nito sa pagsasaayos ng batas tungo sa federalismo. Hindi na makapagtatago ng kalokohan ang mga halal na congressman nila. Pera ng kanilang rehiyon ang direktang kukupitin nila kapag nagkataon. Kaya hindi popular ang federalismo at inaa­yawan ito ng mga congressmen. Makumbinsi kaya sila ni Robin? Abangan!

 

Show comments