Ang lalaking forever na maghihintay
SIMULA noong 1995, permanente nang tanawin sa isang sulok ng Tainan City train station sa Taiwan ang 47-anyos na lalaking si Ah Ji. Dalawampung taon na siyang tumatambay sa lugar na iyon dahil doon sana sila magkikita ng babaing makaka-date sana niya. Ngunit sa hindi malamang dahilan, hindi sumipot ang babae. Simula noon ginawa na ni Ah Ji na “tirahan” ang isang sulok na iyon ng train station sa pag-asang isang araw, magpapakita sa kanya ang babae. Hindi malinaw sa report kung karelasyon ni Ah Ji ang babae o first time pa lang silang magde-date. Ang malinaw ay nagkita na sila nang personal.
Sa tagal ng panahon na inilagi niya sa train station, walang tao ang hindi nakakakilala sa kanya. Lahat ay alam ang istorya kung bakit siya naroon. Nakakaraos siya sa pagkaing iniaabot sa kanya ng mga taong napapadaan sa harapan niya o mga mababait na vendor. Pinupuntahan siya lagi ng kanyang kapamilya para pagbihisin ng malinis na damit at pakainin. Ngunit kahit anong pilit ng mga kamag-anak, hindi siya makumbinsing umuwi sa bahay. Nakasanayan na raw niya ang paghihintay. Tinitingnan niya ang bawat mukha ng mga taong nagdadaan sa kanyang harapan, at umaasa na isang araw, magpapakita ang babaing nang-indiyan sa kanya.
Ang mga social workers at mayor ng Tainan ay tumulong na rin sa pagkumbinsi kay Ah Ji na umuwi na sa kanyang pamilya ngunit matigas ang ulo nito. Ang huling balita sa kanya ay noong 2015 hanggang sa hindi na siya pinag-interesan ng media.
Bininyagan siyang Human Hachiko. Si Hachiko ay alagang aso ng isang Japanese professor na laging inaabangan ang pagdating ng kanyang amo sa Shibuya station sa Tokyo, Japan. Nang mamatay ang professor, patuloy pa rin nagpupunta si Hachiko sa Shibuya station para abangan ang kanyang amo. Pero sabi ng mga tao, at least si Hachiko ay umuuwi sa bahay ng kanyang amo tuwing sasapit ang gabi. Saka lang ulit siya babalik sa train station pagsapit ng umaga.
“Sometimes waiting is the hardest thing of all.” — Luanne Rice
- Latest