MAS mabilis na nakapagpasya ang Department of Finance na gawing P500 ang ayuda sa mga mahihirap kaysa suspendehin ang kontrobersiyal na fuel tax. Mas makakamura pa sapagkat kaunti lang naman ang bilang ng mga mahihirap na tumatanggap ng 4Ps. Milyong piso lang marahil ang ipapamahagi gayung bilyong piso ang mawawala kung isususpende ang fuel tax.
Sa P500 na ayuda, puwede nang makabili ng limang kilong bigas, limang lata ng sardinas, limang cup ng instant noodles, isang 200 grams instant coffee at isang kilong refined sugar. Tatagal ng isang linggo ang limang kilong bigas sa pamilyang may limang miyembro.
Sinabi ni President Duterte na ginawa niyang P500 ang ayuda dahil masyadong maliit ang P200 na unang balak ipamudmod. Hindi ito magkakasya sa limang miyembro ng pamilya. Nakatanggap umano siya ng feedback na masyadong maliit ang P200 kaya pinadagdagan niya.
Ang pagtaas ng presyo ng petroleum products ang dahilan kaya tumaas ang mga bilihin at hindi na makasapat ang kinikita ng mga manggagawa. Nag-rollback ang gasolina at diesel noong Martes pero sa darating na Martes, magtataas muli. Kaya ang P5.45 na ni-rollback sa gasolina at P11.45 para sa diesel ay balewala. Magpapatuloy pa umano ang oil price hike dahil sa patuloy na giyera sa Ukraine na mahigit isang buwan na. Nagmahal ang langis dahil sa sanctions na ipinataw sa Russia. Ang Russia ay ikalawang bansa sa mundo na nagsusuplay ng langis.
Maaaring napagpaliwanagan din si President Duterte na gawing P500 ang ayuda sa mahihirap para makaiwas sa panawagang suspendehin ang fuel tax. Maraming umaapela na itigil muna ang pagkolekta sa fuel tax para bumaba ang presyo ng gasolina at diesel. Sa ilalim ng TRAIN law, puwedeng itigil ang fuel tax kapag naging $80 per barrel ang langis. Ngayon ay $110 na bawat barrel. Pero tutol ang pamahalaan na isuspende ang fuel tax dahil dito nanggagaling ang pondo na ginagamit sa “Build, Build, Build Program’’.
Kung magpapatuloy ang giyera sa Ukraine, tiyak na tataas pa ang presyo ng gasolina at diesel na ang resulta ay pagtaas pa ng bilihin kaya ang sumatotal kaunti na lang ang mabibili ng P500 na ayuda. Magtipid na lang at ang mahalaga, huwag isugal o itaya sa online sabong ang ayuda. Unahin ang pangangailangan ng pamilya.