Huwag magpabudol sa troll

INTEGRIDAD, ito ang patuloy na nawawala sa mara­ming lider ng ating gobyerno, mas mabilis pa kaysa pagkawala ng mga likas na yaman ng ating kagubatan at karagatan. Mawawalan ng silbi ang lahat ng ating likas na yaman kung ang mawawala ay ang pinakamahalaga nating yaman bilang isang bansa, ang integridad.

Ang integridad ay ang pagiging buo ng pagkatao, pagiging totoo at tapat sa lahat ng pagkakataon, ginagawa ang tama may nakakakita man o wala, sinasabi ang ginagawa at ginagawa ang sinasabi. Ang taong may integridad ay matibay na nanghahawak sa katotohanan at mga prinsipyong moral. May kasabihan na lahat ng tao’y may presyo. Ngunit napakataas ng presyo ng isang taong may integridad na mahihirapang abutin ng sinuman ang kanyang presyo.

Dahil sa kawalan ng integridad ng matataas na lider sa ehekutibo, lehislatibo, hudikatura, at maging sa mga constitutional commissions na tulad ng COMELEC at COA, maraming Pilipino ang nawawalan na ng tiwala sa gobyerno. Kaya naman lalong dumarami ang gusto nang umalis sa Pilipinas dahil sa paniwalang wala na tayong pag-asa.

Maraming umaasa na ang magsasalba sa atin ay ang darating na eleksyon kung mananalo ang mga kandidatong may integridad, mula sa Pangulo hanggang sa mga Konsehal. Pero depende ito sa mga botante. Naniniwala ako na ang isang botanteng hindi bayaran ay iboboto pa rin ang kandidatong sa paniwala niya’y tapat at hindi sinungaling. Ang tanong, saan ibinabatay ng botante ang kanyang paniwala?

Ito ang problema. Marami ang naniniwala sa social media. Noong araw, ang pangunahing pinagmumulan ng impormasyon ay ang diaryo, radyo at TV. Noon, mahirap maglabas ng anumang balita na hindi totoo. Sinumang reporter na maglalabas ng pekeng balita ay mahaharap sa demanda. Pero ngayon sa mga social media platforms na tulad ng FB, YouTube at Twitter, laganap ang mga fake news na gawa-gawa ng mga bayarang trolls upang pasikatin ang nagbabayad sa kanila at ibagsak ang mga kalaban nito. Posible na makapaghalal tayo ng mga kandidato batay sa mga kasinungalingang pinaniwalaan natin na totoo. Dahil sa mga trolls sa social media, ang kasinungalingan ay nagmumukhang katotohanan at ang katotohanan ay nagmumukhang kasinungalingan.

Dito lamang yata sa Pilipinas nangyayari na ang mga lider na napatalsik na dahil sa katiwalian ay muling nakababalik sa kapangyarihan. Napakadali nating makalimot. Kailan pa kaya tayo matututo?

Minsan, sinabi ni Abraham Lincoln, “Maaari mong maloko ang ilang mga tao sa lahat ng pagkakataon, at ang lahat ng mga tao sa ilang pagkakataon, ngunit hindi mo maloloko ang lahat ng mga tao sa lahat ng pagkakataon.”

Nawa, ang darating na eleksyon sa Mayo ang siya ng pagkakataon na hindi na maloloko ang mga Pilipino upang maihalal ang mga kandidatong may integridad at may mataas na pangarap para sa Pilipinas. Kung ang mailuluklok natin sa kapangyarihan ay mga lider na walang integridad, wala na nga tayong pag-asa.

Sa iyo magsisimula ang pag-asa. Huwag kang paloloko o pabubudol sa mga trolls. Pakinggan mo ang sinasabi ng mga mapagkakatiwalaang media at mga ekspertong may integridad. Huwag mong paniwalaan ang mga trolls at vloggers na ang hanapbuhay ay gumawa ng kasinungalingan at manira ng kapwa, sapagkat sa bandang huli’y ikaw rin ang masisira!

Show comments