Second-hand bookstore sa Spain, nakitaan ng mekanismo ng bomba sa librong itinitinda!

NATARANTA ang mga staff ng isang second-hand bookstore sa western Spain nang matuklasan nila na ang isa sa mga librong paninda nila ay may lamang mekanismo ng bomba!

Napansin ng isa sa mga staff ng Cien Cañones bookstore sa Badajoz na masyadong mabigat para sa isang libro ang kopya nila ng “The King of Beggars” na akda ni Jean Larteguy.

Pagbukas nila ng libro, nagulat sila nang makitang tinanggal na ang mga pahina nito at pinalitan ng mekanismo na may stopwatch, capacitor at electrical wires.

Dahil mukhang bomba, agad nilang nilisan ang bookstore at tumawag ng mga pulis.

Mabilis na rumesponde ang Technician Specialist in Deactivation of Explosive Artifacts (TEDAX) sa bookstore. Maingat nilang ininspeksyon ang libro at napag-alaman na expired na ang baterya ng stopwatch nito. Wala rin silang nakitang trace ng kahit anong explosive materials sa loob ng mekanismo.

Kahit nakumpirma na nila na wala nang dalang panganib ang libro, pinadala pa rin nila ito sa isang laboratory para makasigurado.

Sa kasalukuyan, wala pa ring malinaw na paliwanag kung saan nanggaling ang libro pero may teorya ang may-ari ng bookstore na maaaring pagmamay-ari ito ng isang miyembro ng Basque terrorist group ETA at nakalimutan niya itong gamitin.

Show comments