Coffee shop sa Thailand, may tubig at may lumalangoy na mga Koi fish sa sahig!
NAGING viral sa Thai netizens ang mga litrato ng isang coffee shop sa Thailand dahil sa unang tingin ay tila nasalanta ito ng baha! Pero napag-alaman ng mga netizens na ang Sweet Fishs Café ay sadyang abot hanggang binti ang tubig dahil isa pala itong Koi Pond café. Ang konsepto ng café na ito ay puwedeng makihalubilo ang mga customers sa mga lumalangoy na Koi fish sa sahig.
Matatagpuan ang kakaibang coffee shop sa Ton Than Resort and Spa, isang sikat na resort sa Khanom, Nakhon Si Thammarat. Ayon sa may-ari ng resort na si Yosaphol Jitmung, itinayo niya ang Sweet Fishs Café upang makaakit ng local tourists ngayong COVID-19 pandemic.
Upang mapanatili na malinis ang tubig sa café, apat na malalaking pool filtration system ang ginagamit dito at gumagana ito 24 hours a day. Dalawang beses din nilang pinapalitan ang tubig sa loob ng isang araw. Bago nila papasukin sa café ang bawat customers, dumadaan muna ang mga ito sa isang disinfection area para maglinis ng kanilang mga paa.
Karamihan sa mga first time customers ng café ay naiilang na nakalubog ang kanilang paa sa tubig habang kumakain o nagkakape pero kalaunan, natutuwa at nag-e-enjoy sila na may mga makukulay na Koi fish na lumalangoy sa kanilang paanan. Mababait at hindi takot sa tao ang mga koi fish dito kaya enjoy ang mga tao sa pagkuha ng litrato nila.
Umabot sa 400,000 Baht ang pinuhunan ni Yosaphol sa pagtatayo ng kanyang café at masasabi niya na sulit ang kanyang nagastos dahil naging trending tourist spot ang kanyang resort na pati mga taga-Bangkok ay dinadayo ang Sweet Fishs Café.
- Latest