NAKAKAALARMA na talaga ang pagkalat ng mga spam texts o pekeng text messages.
Halos araw-araw marami na ang nakararanas at nakakatanggap ng ganitong mga mensahe na kadalasan nga eh nag-aalok pa ng mga pekeng trabaho.
Pero hindi lang dyan nakapokus ang mga sindikatong sangkot dito kundi sa iba pang mga panloloko.
Maging ang Malacañang eh nababahala na rin sa biglaang pagdami ng ganitong modus o panloloko na sinasabing talagang umalagwa nitong panahon ng pandemya.
Alarming talaga ito, dahil kung hindi mag-iingat ang mapapadalhan nito at mahuhulog sa panloloko, kuha lahat ng mga personal information mo pati pera mo madala pa ng mga ito.
Sangkot dito ang isyu ng privacy ng isang indibiduwal na mabibiktima ng ganitong modus.
Dahil nga dito, nagsasagawa na nang matinding imbestigasyon ang National Telecommunication Commission (NTC).
Nakakapagtaka nga lang sa kung paano nakukuha ng mga ito ang mga maraming numero ng kanilang bibiktimahin.
May ulat na nakuha umano ito sa mga contact tracing form, pero hindi pa ito nakukumpirma ng NTC.
Aminado rin ang NTC na lubhang mahirap ma-trace ang spam messages dahil malamang na ang gamit ng mga ito ay prepaid SIMs na hindi rehistrado kumpara sa mga postpaid numbers.
Hindi nga ba’t matagal nang ipinanukala na gawing mandatory ang pagpaparehistro sa SIM card para mapigilan ang text scams Kung hindi nakarehistro ang gamit na SIM ng sindikato, aba’y mahirap talagang matunton at matukoy ang mga ito.
Biruin ninyo, ayon sa NTC, higit na pala sa 150 milyon ang mobile subscribers sa bansa at tatlong porsiyento lamang nito ang postpaid.
Sa inisyal pa ngang imbestigasyon ng National Privacy Commission , global organized syndicate ang nasa likod ng ganitong spam text messages.
Sa susunod natin pag-Responde, magbibigay tayo ng ilang tips kung paano hindi mahulog sa mga panloloko ng spam texts na ito.
Sa huli, kailangan talaga na maging mapanuri at mag-ingat ang lahat lalo na nga at hanggang sa ngayon ang Pinas ang itinuturing na’texting capital’ sa buong mundo.