PAMILYAR tayo sa salitang “aphrodisiac,” ito’y pagkain, inumin o gamot na nakapagpapalakas ng pagnanasa sa sex. Sa gamot, ang halimbawa nito’y ang Viagra. Sa natural na pagkain, ang halimbawa ay ang red ginseng o pakwan.
Si dating US Secretary of State Henry Kissinger ay may kakaibang sinabi tungkol dito. Wika niya, “Power is the ultimate aphrodisiac.” Ang mga nakatikim ng power ay hindi na gugustuhing umalis sa pwesto, sapagkat para nga itong aphrodisiac, nakapagpapataas ng pagnanasa sa mga bagay na idinudulot ng power, tulad ng kontrol, kayamanan at katanyagan.
Totoong-totoo rito sa atin ang sinabi ni Kissinger. Dahil nga aphrodisiac ang power, ang isang nasa poder ay gagawin ang lahat para lamang manatili sa kapangyarihan. Kung hindi na siya puwede, ang dapat pumalit sa kanya ay isa sa kanyang pamilya: asawa, anak, o kapatid. Ang ibinunga nito’y political dynasty.
Ang pinakamataas na maaaring maabot ng sinumang pulitiko rito sa atin ay ang pagiging presidente ng Pilipinas. Wala nang tataas pa ritong puwesto, ang susunod ay tiyak na mas mababa. Kaya lang, dahil nga aphrodisiac ang power, naging saksi tayo kung paanong si dating Presidente Joseph Estrada ay tumakbong mayor ng Maynila at nanalo. Kung paanong si dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ay tumakbo sa kongreso at nanalo. Nakuha na ang pinakamataas na puwesto ay nagkasya pa sa mas mababa dahil hindi pinahihintulutan ng Konstitusyon ang reeleksyon. Only in the Philippines!
Nagdeklara na si Presidente Duterte na tatakbong bise presidente, pero hindi itinuloy. Ngayon ay may mga nagsusulong na siya’y tumakbo sa senado. Talagang napakalakas na aphrodisiac ng power. Ang isang bunga nito’y napagkakaitan ng pagkakataon ang iba na makapaglingkod din. Ang isang dating Presidente na tatakbo sa mas mababang pwesto ay halos siguradong mananalo.
Dapat nang palitan ang itinatadhana ng ating Konstitusyon. Dapat ay maliwanag na itadhana na sinumang nahalal na presidente ay hindi na maaaring tumakbo sa anumang puwesto pagkatapos ng kanyang termino. Walang sinasabing ganito sa ating Konstitusyon, marahil ay hindi naisip ng mga sumulat ng ating Saligang-Batas na may naging presidente na maghahangad pa ng mas mababang puwesto. Nangyari na ito, pero sana’y huwag nang maulit!
Power ang ultimate aphrodisiac para kay Kissinger. Pero sa Bibliya, ang ultimate aphrodisiac na nagpapataas ng pagnanasa para sa kabutihan ng iba ay ang pag-ibig. Walang anumang utos na maaaring magawa laban sa pag-ibig, sapagkat ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan. Nakasaad sa Roma 13:10, “Sapagkat ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kapwa, kaya ang pag-ibig ang katuparan ng kautusan.”
Suriin nating mabuti kung sino sa mga aspirante sa pagka-presidente ang pinatatakbo ng aphrodisiac ng power at ng aphrodisiac ng pag-ibig. Dapat ang mailuklok natin ay ‘yung pinatatakbo ng aphrodisiac ng pag-ibig. Sapagkat kung ang mananalo ay ‘yung pinatatakbo ng aphrodisiac ng power, huwag na tayong umasa sa pagbabago. Lalo tayong malulubog sa balon ng kahirapan at pagdurusa.
Ang tanong, mayroon bang aspirante na pinatatakbo ng aphrodisiac ng pag-ibig? Ang sagot ko, mayroon. Siya’y makikilala sa pamamagitan ng kanyang pananalita at gawa, ng mga bagay na kanyang pinahahalagahan o values, ng kanyang track record, at mga taong nakapaligid sa kanya. Kailangan ka lamang maging mapagmasid at mapanuri.