NANANATILI pa rin ang Pilipinas na isa sa mga bansa na mapanganib sa mga mamamahayag, batay sa pinaka-latest report ng Global Impunity Index of the Committee to Protect Journalists (CPJ). Ayon sa report, pampito ang Pilipinas sa mga bansa na sinasabing pinaka-worst para sa mga mamamahayag. Ginawa ang index report mula Set. 1, 2011 hanggang Agosto 31, 2021 at ibinatay sa mga pagpatay sa mga mamamahayag.
Nangunguna ang Somalia na sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Aghanistan, Mexico, Pilipinas, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.
Noong nakaraang taon ay pampito rin ang Pilipinas sa mga bansang mapanganib sa mga mamamahayag kung saan 11 ang pinatay kabilang ang mamamahayag na si Jobert Bercasio na pinatay ng riding-in-tandem noong Set. 14, 2020. Si Bercasio ay may programa sa Balangibog Internet TV sa Sorsogon City.
Ngayong 2021, tatlong mamamahayag ang pinatay na ang pinaka-latest ay ang pagpatay kay Renante Cortez ng Cebu noong Hulyo 22. Si Cortez ay komentarista sa DYRB-Cebu. Binaril siya sa mismong harapan ng radio station makaraan ang kanyang programa.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), 19 na mamamahayag ang napatay sa ilalim ng Duterte administration. Ganunman, hindi lahat ay kabilang sa nirereport ng Committee to Protect Journalists (CPJ).
Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag sa bansa ay naganap noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindano kung saan, 52 ang pinatay. Nahatulan na ang pamilya Ampatuan sa karumal-dumal na kaso subalit marami pa rin ang humihingi ng hustisya. Ang krimen ay may kinalaman sa election.
Maraming Presidente na ng bansa ang nangakong puprotektahan ang mamamahayag at pananagutin ang utak sa pagpatay subalit walang natupad. Patuloy pa rin ang pagpatay at walang proteksiyon. Parang manok lang na binabaril ang mga mamamahayag sa bansa.