DAHIL madalas na ang pagnanakaw ng mga beer glass sa mga bar sa Belgium, naging normal na sa mga bar owners doon na magpatupad ng kung anu-anong security measures para maiwasan ito.
Tulad na lang ng isang bar sa Ghent kung saan pinahuhubad nila ang sapatos ng customer sa entrance at itinatago muna nila ito bilang collateral kung sakaling nakawan sila ng beer glass.
Simula nang naging patok sa mga turista ng Belgium ang Belgian beer, naging pangkaraniwan na sa mga pasaway na tourists na iuwi ang beer glass bilang souvenir.
Taun-taon, nawawalan ng mahigit 4,000 baso si Alex De Vriendt sa kanyang bar na Dulle Griet. Nagkakahalaga ng 50 euros ang bawat custom made na baso ni Alex kaya malaki ang nalulugi sa kanya.
Kaya naisipan niya na gawing collateral ang sapatos ng mga customer para ibalik ng mga ito ang beer glass pagkatapos nilang uminom.
Ayon kay Alex, nabawasan ang nakawan ng beer glass sa kanyang bar ngunit may mangilan-ngilan na mas pipiliin na umuwing walang suot na sapatos para lamang may maiuwing souvenir.
Dahil sa kakaibang tuntunin ng bar na ito, naging tourist attraction na rin ito sa Ghent dahil sa mga nakasabit na sapatos ng customer sa kisame ng bar.