Dear Attorney,
Nagpautang po ako at tseke ang ibinayad sa akin. Dahil sa abroad ako nagtatrabaho, hindi ko pa po nai-encash ang tseke mula nang inisyu niya mga siyam buwan na ang nakalilipas. Maari po ba akong magsampa ng BP 22 laban sa nag-isyu ng tseke kung sakaling tumalbog ito o hindi na tanggapin ng banko? —Lisa
Dear Lisa,
Sa ilalim ng Section 2 ng Batas Pambansa (BP) Bilang 22, maipagpapalagay na alam ng nag-isyu ng tseke na hindi sapat ang laman ng kanyang account para pondohan ang isang tseke kung sinubukan itong i-encash sa loob ng 90 araw matapos itong maisyu.
Pinalawig ng Korte Suprema sa kaso ng Wong v. Court of Appeals ang 90 araw na ito at ginawang six months o 180 araw upang iayon sa nakagawiang practice ng mga banko na tumatanggap pa rin ng tseke kahit higit na ito sa 90 araw na palugit.
Kapag lumampas na ng 180 araw at hindi pa na nae-encash ang tseke, matatawag na itong stale check at wala nang halaga .
Dahil ang isa sa mga elemento ng krimen ng paglabag sa BP 22 ay dapat alam ng nag-isyu ng tseke ang kakulangan o kawalan ng laman ng account na siyang magpopondo sa tseke, masasabing walang krimen kung higit sa 180 araw na mula nang inisyu ang tseke nang ito ay sinubukang i-encash sa banko.
Hindi rin masasabi na na-dishonor ang tseke dahil sa kawalan o kakulangan ng laman ng account na magpopondo rito, na isa rin sa mga elemento ng BP 22. Sa puntong kasing iyon ay hindi na talaga tatanggapin ng banko ang tseke dahil stale na ito at wala nang halaga dahil sa tagal ng panahong hinintay bago ito i-encash.
Base sa mga nabanggit, malabong may naging paglabag sa BP 22 sa sitwasyon mo kung sakaling hindi tanggapin o tumalbog ang tsekeng inisyu sa iyo. Hindi naman ibig sabihin nito na hindi mo na maaring habulin ang umutang sa iyo.
Kung sakaling hindi ka bayaran ng umutang sa iyo maaari ka pa rin namang magdemanda ng civil case at magagamit mong ebidensiya ang tsekeng kanyang inisyu upang mapatunayan ang halagang sinisingil mo.