BUKOD sa COVID-19, may isang uri ng virus na napakabilis kumalat dahil nalalapit na ang eleksyon. Ang tawag sa virus na ito’y trolls. Ito’y mga taong bayaran para magpakalat sa social media sites ng mga fake news upang pabahuin o kaya nama’y pabanguhin ang isang tao. Ang layunin ay para impluwensiyahan ang opinyong publiko upang panigan o labanan ang isang tao.
Originally, ang troll ay higante o duwende na naninirahan sa mga kuweba. Ito’y batay sa alamat sa Scandinavia. Ang mga kasalukuyang trolls ay bihasa sa paggawa ng mga alamat, mga kuwentong hindi totoo, o mga balita’t pangyayaring gawa-gawa lamang, pero napagmumukhang totoo. Kaya’t ang mga trolls ay eksperto sa paggawa ng mukhang-totoong kasinungalingan.
Ayon sa mga pag-aaral, pababa nang pababa ang bilang ng mga taong kumukuha ng balita sa diyaryo, radio at television, samantalang parami nang parami ang dumedepende sa social media sites na tulad ng Facebook, Twitter at YouTube. Matagal din akong nagtrabaho sa diyaryo at alam ko kung gaano kahigpit ang pagtitiyak na tama ang lahat ng impormasyong isinusulat ng isang reporter. Ang isang reporter na magpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makasuhan o kaya’y matanggal sa trabaho. Sino ang magkakaso sa isang troll na ang mismong identity ay peke? Maraming accounts sa social media sites ang isang troll, ngunit lahat ay fictitious, ibig sabihin, hindi siya totoong tao, isa lamang siyang alamat. Alam mo ba na malaki ang kinikita ng isang troll, daang libo, depende sa bilang at kalidad ng kanyang kliyente?
Hindi raw kakaunti ang bilang ng mga nanalo noong nakaraang eleksyon dahil sa mga trolls. Pinangangambahan ng mga political analysts na ang eleksiyon sa isang taon ay labanan ng mga trolls, kaya ang makapagbabayad nang marami at magagaling na trolls ang siyang mananalo.
May basehan ang ganitong pangamba. Dahil sa COVID-19, maaaring ang gamiting pangunahing behikulo ng mga kandidato sa kanilang kampanya ay ang social media na kuweba ng mga kasalukuyang trolls, ito ang kanilang teritoryo. Ang Pilipinas ang tinaguriang “Social Media Capital of the World” dahil mahigit sa 82 milyong Pilipino ang gumagamit ng social media, sa average na apat na oras araw-araw. Ito ang pinakamataas sa buong mundo.
Hindi kataka-taka na maraming mahahalal dahil sa kagagawan ng mga trolls. Ibig sabihin, may mga maluluklok sa kapangyarihan dahil sa kasinungalingan at alamat. Anong uri ng paglilingkod ang maaasahan natin sa mga pulitikong nilikha ng kasinungalingan at alamat?
Ano ang bakuna laban sa mga trolls? Sinabi ni Hesus sa Juan 8:32, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Katotohanan ang panlaban natin sa mga trolls na sisira sa ating demokrasya at dangal bilang mga Pilipino.
Malaking hamon ito sa mga Pilipinong nagmamahal sa Diyos at sa bayan. Huwag tayong patalo sa mga trolls by default. Kung aktibo sila dahil sa bayad, maging aktibo rin tayo dahil sa konsensiya. Gamitin din natin ang mga social media sites para naman magpalaganap ng katotohanan, ng mga tunay na pangyayari at hindi mga alamat. Alalahanin natin ang sinabi ng Irish Statesman na si Edmund Burke, “The only thing necessary for the triumph of evil is for good men to do nothing.”