Dalawang kuwento ng katapangan
Pulis
Isang newly-appointed policeman ang naka-duty sa matrapik na kalye ng isang siyudad. May pinahinto siyang motorista dahil nagtangka pa itong tumakbo kahit na naka-red light na.
Sa halip na lisensiya ang iabot ng motorista ay Police ID nito at tsapa ang iniabot sa bagitong pulis. Police Inspector pala ito sa ibang istasyon at naka-civilian lang. Magkaganoon pa man, tiniketan pa rin ito ng bagitong pulis.
“Seryoso ka? Nagpakilala na ako sa iyo pero tinikitan mo pa rin ako. Baka pagdating ng araw ay may posibilidad na i-transfer ka sa police station na pinamumunuan ko.”
“Sir kung mangyayari po iyon, maaalaala po ninyo na may isa kayong tauhan na nagtatrabaho nang maayos at tapat sa kanyang tungkulin.”
Sa loob-loob ng bagitong pulis, ang pagiging matatag sa prinsipyo at lakas ng loob ang kailangan upang magampanan niya nang maayos ang trabaho.
Ministro
Sa wakas isinilang ang anak na lalaki ng Emperor ng Russia na si Peter the Great pagkaraan ng mahabang panahong pagdadasal. Ngunit sa kasamaang palad, ang bagong silang na sanggol ay namatay.
Sa sobrang sama ng loob ay nagkulong sa kuwarto ang emperor at sinabing nais na rin niyang mamatay. Ang sinumang magtatangka na dalhan siya ng pagkain o pakiusapan siyang kausapin ng masinsinan ay ipabibitay niya.
Nabahala ang kanyang mga ministro na baka totohanin nito ang pagpapakamatay kaya’t nagpulong ang senado kung paano nila ililigtas ang emperor. Ang tanong ng lahat, sino ang matapang na kakatok sa kuwarto ng emperor? May isang ministrong nagprisinta. Pinuntahan niya ang kuwarto ng emperor at kumatok. Nanginginig ang boses ng emperor na sumagot:
“Kung sino ka man, ihanda mo ang iyong ulo at pagbukas ng pintong ito ay talim ng aking espada ang sasalubong sa iyo.”
Kinakabahan man, pilit na pinatatag ng ministro ang boses:
“Mahal na hari, katungkulan po ng senado na itanong sa iyo ang pangalang nais mong maging iyong kahalili. Base sa inyong ginagawa pagkukulong sa kuwarto, kayo po ay nagbitiw na sa inyong tungkulin.”
Iyon lang at mapayapang lumabas ng kuwarto ang emperor at niyakap niya ang matapang na ministro.
- Latest