Dear Attorney,
Gusto ko lang po sanang malaman kung may pinagkaiba ba ang deed of sale sa contract to sell? Contract to sell po kasi ang pipirmahan ko para sa balak kong bilhin na property. Hindi po ba deed of sale ang karaniwang dokumento na pinipirmahan kapag bentahan ng property? —Anjo
Dear Anjo,
May pinagkaiba ang deed of sale sa contract to sell. Ang deed of sale ang instrumento kung saan nakapaloob ang isang contract of sale. Ang deed of sale ang mismong dokumento o papel na nagsasaad ng mga napagkasunduan ng naging bentahan. Kapag may deed of sale, ibig sabihin ay may contract of sale kaya inililipat kaagad ang pagmamay-ari ng bagay na ibinenta sa bumili nito pagkabayad ng napagkasunduan nilang presyo.
Iba naman ang contract to sell dahil hindi kaagad naililipat ang pagmamay-ari ng bagay na ibinenta kahit pa naibigay na ito sa bumili. Kadalasan kasi ay hulugan o by installment ang paraan ng pagbabayad sa ganyang kasunduan kaya mapupunta lang rin ang lubos na pagmamay-ari o full ownership ng bagay na ibinenta sa buyer kapag nabayaran na niya ng buo ang napagkasunduang presyo.
Mainam na basahin mong maigi ang mga nilalaman ng kontratang iyong papasukin para alam mo kung ano ba talaga ang kasunduang pinapasok mo at kung naaayon ba ito sa inaasahan mo.