Sugarol na pulis, timbog sa raid sa Baguio!
HINDI lang sa pagpigil ng pagbaba ng supply ng marijuana sa Metro Manila ang pinagkaabalahan ng Cordillera police kundi maging sa illegal gambling at iba pang ilegal na gawain.
Katunayan, ni-raid ng mga tauhan ni Cordillera police director Brig. Gen. Ronald Lee ang isang commercial building sa Baguio City at inaresto ang 132 katao at kinumpiska ang P363,170 cash bets. Kahit Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12, hindi naging hadlang ito para salakayin ng Cordillera police sa pamumuno ni intel chief Col. Elmer Ragay ang gambling den kung saan talamak ang palaro na monte at online sabong.
Habang abala si Lee sa pagdiriwang ng Independence Day, aba abala rin ang kanyang mga tauhan para mapatigil na ang operation ng gambling den kung saan tahasang nilalabag ang health protocols ng gobyerno vs COVID-19. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Hindi nakakibo si Patrick Cot-olen Balangitan, 59, ang financier-maintainer ng drug den, na naaktuhan sa loob ng building. Mismooooo!
Maliban kay Balangitan, kasama sa mga inaresto ay ang mga table managers na sina Danilo Sambito, 59; Rosita Sarino, 55; Nolasco Guilao, 49; Rene Tagupa, 52; June Cogay, 43; Ren Ren Sarino, 28; Joy Joseph Curpoz, 55 at ang iba naman ay mga mananaya. Nakumpiska rin nina Ragay ang isang set ng drop balls, mga baraha ng monte, flat screen TV para sa online sabong, Toshiba laptop computer, listahan ng taya, tables at silya, at iba’t ibang uri ng ballpens.
Sinabi ni Lee na may isang police na si M/Sgt. Jason Vicente Togana Jr., ng Highway Patrol Group sa Cordillera Region ay kasamang naaresto na mga bettors. Iniutos ni Lee ang pagsampa ng administrative case laban kay Togana, na isang sugapang sugarol, para hindi na siya pamarisan pa. Mismooooo!
Sa kanyang report kay Lee, sinabi ni Ragay na isang concerned citizen ang nag-tip sa kanyang opisina tungkol sa malakihang sugalan sa AYK building sa Legarda Road, Baguio City. Sinalakay ni Ragay ang puwesto matapos ang ilang araw na monitoring at surveillance operations na nagpositibo naman. Araguuyyyy! Hak hak hak! Dapat alamin ni Ragay kung sino talaga ang nasa likod nang malakihang pasugalan, di ba mga kosa?
Sinampahan ni Maj. Nazarino Emia, hepe ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng Cordillera police ng kasong illegal gambling at paglabag ng Cyber Crime Prevention Act ang lahat ng suspects sa Baguio City prosecutor’s office. Subalit sa kasamaang palad, nagpalabas ng resolution si Prosecutor Randolf Kiat-ong na i-release for further investigation ang mga suspects para ma-establish ang kani-kanilang kinasangkutan na kaso. Hak hak hak! Nasayang lang ang pagod ng mga pulis sa RFFI, di ba mga kosa? Magkano ba?
Halos kasabay sa raid sa gambling den, aba sinalakay din ng mga tauhan ni Lee ang anim na plantation sites ng marijuana sa Benguet at Kalinga at pinagbubunot ang 131,000 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P26.6 milyon. Nakumpiska rin ang 10,000 seedlings. Siyempre, matapos ang inventory, pinagsusunog nina Lee at mga kasamang PDEA ang mga nakumpiskang ebidensiya. Abangan!
- Latest