Tunay na kaibigan

TILA nagulantang si Pablo nang maisip niyang naglalakad siya sa isang mahabang kalye na ang daan ay yari sa makinis na marmol. Saka lang niya napansin ang dalawang hayop na kanina pa nakasunod sa kanya – isang puting kabayo at asong may malagong balahibo na kulay tsokolate. Saka lang niya naisip na iyon ang mga alaga niyang hayop na kapiling niya sa mahabang panahon pero …matagal nang namatay.  Patay na ang mga kaibigan niya, bakit kasama niya ngayon? A, nagbalik ang kanyang alaala, kanina lang ay pumanaw na siya. Namatay siya sa kanser. So…ibig sabihin, ang tinatahak niyang landas ay papunta sa hell o heaven. At hanggang sa kabilang buhay ay nakaalalay ang kanyang mga tapat na pets. Hinalikan niya ang dalawang matapat na alaga.

Nagtapos sa isang gate na yari sa diyamante ang kanilang paglalakbay. Nanlaki ang mata ni Pablo nang kusang bumukas ang gate at bumungad sa kanya ang napakagandang kastilyo na kung saan nasilip niyang tila may party sa loob nito. Nakita rin niya mula sa glass wall ng kastilyo na maraming masasarap na pagkaing pinagsasaluhan ang mga bisita.

“Welcome Pablo, tuloy ka at makisaya sa amin!” bati ng bantay sa gate.

Tiningnan ni Pablo ang kanyang aso at kabayo. Tapos tinanong niya ang bantay, “Kasama sila? ‘Yun kabayo at aso ko?”

“No pets allowed dito sa Heaven.”

Kahit medyo naglalaway siya sa masasarap na pagkain ay nagpasya siyang umalis at ipagpatuloy ang paglalakbay. Gusto sana niyang manatili sa Heaven pero maselan pala doon. Hindi tinatanggap ang pets. Ayaw niyang iwanan ang matatapat niyang alaga. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makarating sila sa mabato at maputik na gubat pero may bumubukal na malinis na tubig. Naramdaman ni Pablo ang uhaw na nadadama ng kanyang mga alaga. Nakita niyang may tagabantay sa bukal ng tubig. “Puwede po bang makiinom?”

“Sige tuloy ka” sagot ng tagabantay.

“Puwedeng isama ko ang aking kabayo at aso?”

“Lahat ay welcome dito, sige tuloy kayo. Iyon nga lang, wala kayong masisilungan dito, bukod pa sa maputik at mabato ang lugar.”

“Okey lang basta’t pumayag ka lang na patuluyin din ang mga alaga ko.”

Pagkatapos nilang uminom ay dinala sila ng tagabantay sa kaloob-looban ng kagubatan. Dito bumungad ang isang marangya at malaking kaharian kung saan pumapailanlang ang magandang boses ng mga anghel na nagsisipag-awitan.

“Anong lugar ito?” tanong ni Pablo.

“Ito ang Heaven.”

“Pero ang sabi sa akin ay Heaven din ang unang gate na aming nadaanan.”

“Yung may kastilyong may salaming pader? A, iyon ang Impiyerno.”

“Hindi ba kayo nagagalit sa mga taga-Impiyerno at ginagamit nila ang pangalan ng Heaven para mangpeke?”

“Okey lang. Buti nga iyon, nai-screen nila ang mga taong tunay kung makipagkaibigan at hindi nang-iiwan.”

 

Show comments