DISMAYADO ang mga bisita ng isang zoo sa China matapos nilang mabisto na sa halip na leon ay isang aso lang pala ang nakakulong sa lion’s cage nito.
Ayon sa video clip na kumalat sa Chinese social media ay laking gulat ng isang nagngangalang Tang nang makita niya at ng kanyang anak na isang golden retriever ang nasa loob ng kulungan na dapat ay para sa leon. Sinadya pa naman ni Tang at ng kanyang anak ang Yuanjiashan Zoo sa Sichuan Province para makakita sana ng leon.
Pabirong tinanong tuloy ni Tang ang isa sa mga namamasukan sa Yuanjiashan Zoo kung African lion ba talaga ang nasa hawla at kung bakit ang liit nito para sa isang leon.
Agad namang umamin ang worker ng zoo na isang golden retriever lang ang nasa lion’s cage. Inilipat daw muna nila ang leon sa ibang lugar upang i-renovate ang kulungan nito.
Umuwing dismayado si Tang dahil matapos ikutin ang buong zoo ay wala naman silang nakita ng kanyang anak na kahit isang leon. Ito ay sa kabila ng promosyon ng Yuanjiashan Zoo sa ticket nito na mayroong makikitang leon ang mga bibisita sa kanila.
Hindi ito ang unang beses na may napabalitang zoo sa China na may ‘pekeng’ hayop. Nabisto ang Xiangwushan at Jiufengshan Zoo na pawang mga aso lamang ang matatagpuan sa mga kulungan nilang nakalaan dapat para sa mga wolf.