NOONG unang panahon, sobrang makisama ang mga tao lalo na sa mga kamag-anak.
Kuwento ng aking ina, minsan ay iniaalok siya sa kamag-anak ng kanyang ina para maging katulong pansamantala habang naghahanap pa ang mga ito ng maid.
“Pumapayag ka?” tanong ko sa aking ina.
“Kailangan kong sumunod” sagot sa akin.
“Anong gagawin sa iyo kung hindi ka pumayag.”
“Hindi ko alam. Hindi pa ako sumuway kahit kailan.”
Ang nakakainis sa ugaling iyon ng matatanda, pinahinto na nga ang anak nila sa pag-aaral, ipagtutulakan pa ang mga anak na maging “temporary katulong” ng mga kamag-anak na nilayasan ng maid for the sake of “pakikisama”. At ang pandagdag pa sa nakakainis na kuwentong ito, nagsisilbi sila na walang pinag-uusapang suweldo. Kapag tapos na “pansamantalang pagsisilbi” ng mga dalawang buwan dahil dumating na ang maid mula sa ahensiya, itinahi siya ng isang damit dahil mananahi ‘yung pinagsilbihan niya. Minsan may bonus pang padalang pagkain para sa buong pamilya. Ganoon lang.
Ang sabi ko sa aking ina, hindi namamalayan ng iyong ina na nang-aabuso na sila ng anak. Para siyang nagpahiram ng gamit. Hinahayaang alilain ka nang walang suweldo. Pero tinutulan ito ng aking ina, siyempre nanay niya iyon:
“Ganoon talaga ang pakisamahan ng matatanda. Nagsusuyuan sila. Para kung kami naman ang mangailangan, sila naman ang tutulong sa amin.”
“E, ano ho ang naitulong nila sa inyo?”
Walang maisagot si Nanay dahil natapos ‘yung pakisama ng aking lola na siya lang ang nakapagbigay ng pabor.
“Buti na lang Inay, hindi ako nabuhay sa panahon mo. Baka lagi akong nasasampal ng aking magulang. Basta kasi hindi makatarungan at hindi naman ikagagaling ng aking pagkatao, walang makapag-uutos sa akin kung ano ang dapat kong gawin.”