SIMULA sa Marso 1 ng taong ito, bawal na ang plastics bag at mga single-use plastics sa Quezon City. Ang pagbabawal ay nakapaloob sa City Ordinance 2868-2019. Una nang pinagbawal ang paggamit ng plastic bags at single use plastics noong Enero 2020 subalit ipinagpaliban noong Mayo dahil sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ngayon ay wala nang pagpapaliban at mahigpit na ipatutupad ang ordinansa at ang mahuhuling lalabag ay may katapat na multa.
Maging sa mga hotel at restaurants ay ipagbabawal na rin ang plastics. Ang mga establisimentong lalabag ay may kaparusahan.
Sabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte kahapon, nararapat nang maipatupad ang matagal nang hinahangad ng lungsod na mabawasan ang mga basurang plastic. Ito rin ang sagot ng lungsod sa malawakang kampanya sa buong mundo na mabawasan ang greenhouse gas emissions at mapalakas ang climate resilience. Ayon pa sa mayor, sa muling pagpapatupad ng plastic bag ban, naniniwala siyang magtatagumpay ito at magiging kaugalian na sa lungsod.
Nag-isyu rin ng memo si Belmonte na nag-uutos sa shopping malls, supermarkets, fast food chains, drug stores at iba pang retailers na ihinto ang pamamahagi ng plastic bags sa kanilang customers. “We will not allow the retailers to use plastic bags anymore at the check out counters. Kailangan nang magdala ang mamimili ng sarili nilang reusable bags,” sabi ni Belmonte.
Napakaganda ng hakbang na ito ng Quezon City. Sa pagbabawal sa plastic bags at single-use plastic, hindi lamang ang pagkasira ng kapaligiran ang maisasalba kundi pati na rin ang malawakang pagbaha sa lungsod. Napatunayan na ang mga single-use plastic na gaya ng sache ng 3-in-1 coffee, shampoo, toothpaste, catsup, sando plastic bags at iba pa ang bumabara sa mga drainage. Dahil hindi nabubulok, nananatili ito sa matagal na panahon kaya hindi masolusyunan ang baha. Sa mga estero sa Metro Manila, pawang single-use plastic at plastic bags ang makikita.
Kamakailan, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources na ipagbabawal na ang plastic soft drink straws at coffee stirrers.
Gayahin din sana ng ibang Metro mayors ang ginawa ng QC. Ibawal na ang plastic.