Station 5 chief ng MPD sinibak ni Gen. Francisco!

NAKASALBA si Lt. Col. Ariel Caramoan, hepe ng Ermita Police Station ng Manila Police District (MPD) sa unang delubyo na dumating sa buhay niya subalit sa pangalawang unos, yari na siya. Nag-inspection kasi si MPD director Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco sa Ermita noong Sabado at hindi niya nagustuhan ang nakita at naobserbahan. Kaya ang verdict? Relieve si Caramoan.

Sinabi ni Francisco may kasalanan si Caramoan at kasama diyan ay ang hindi pag-deploy ng kapulisan sa Jones Bridge, Kalaw, Luneta at Lawton kung saan parang nagpiknik ang mga kriminal at nagkalat ang basura. Personal kasing inihabilin ni Mayor Francisco Domagoso kay Francisco na tulungan silang bantayan ang mga nabanggit na lugar, lalo na sa Jones Bridge kung saan dinarayo ng turista sa gabi, dahil ninanakaw ang kawad ng kuryente ng mga ilaw.

Hindi lang ‘yan! Nagrereklamo rin si Domagoso na maraming kautusan niya kay Caramoan na hindi sinunod nito. Kaya sumang-ayon kaagad si Domagoso nang humingi ng clearance si Francisco na i-relieve si Caramoan noong Martes. Araguuyyyy!

Na-relieve din si Caramoan noong Setyembre dahil hindi nito naipatupad ang health protocols sa “white sand” sa Manila Bay subalit nakabalik lang.

Si Francisco kasi mga kosa ay madalas magsagawa ng surprise inspection sa kanyang nasasakopan para siguraduhin na “on their toes” ang kanyang mga tauhan sa pakikibaka laban sa kriminalidad, drug syndicates at mga terorista.

Noong Sabado ng hapon, naisipan ni Francisco na mag-ikot sa Ermita at nagulat siya nang walang makitang pulis na naka-deploy sa Kalaw St. Dumiretso siya sa Station 5 ng MPD sa Luneta at andun naman si Caramoan at mahigit 30 na tauhan niya. Hindi nagustuhan ni Francisco ang deployment ng tauhan ni Caramoan kasi nga halos nasa opisina na lang sila imbes na magpatrulya sa lansangan.

Kaya ang ginawa ni Francisco, pinagmartsa n’ya ang mga pulis na nasa loob ng istasyon papunta sa Kalaw St., na pinangunahan mismo ni Caramoan. Araguuuyyyy! Minalas talaga si Caramoan, ‘no mga kosa?

Ok na sana kay Francisco na nabigyan niya ng leksiyon ang kanyang mga tauhan at tumuloy siya sa PCP sa J. Bocobo St.. Inabutan n’ya ang PCP na may apat na personnel na naka-duty. Lumipat siya sa kalapit PCP sa Remedios at may tatlo namang pulis na naka-duty. Pinag-report ni Francisco ang «missing» na mga pulis at ang isa rito ay halos dalawang oras bago dumating. Imbes na magpatrulya aba umuwi sa bahay ang nasabing pulis.

Sa inis ni Francisco, hindi na siya tumuloy ng inspection sa lima pang PCP at pinatawag si Caramoan at ang 131 pulis na naka-duty ng Sabado at pinag-formation sa harap ng MPD headquarters sa U.N. Ave. Siyempre, nakatikim ng maanghang na salita ang mga pulis kay Francisco na iginiit na dapat ang «naka-duty ay mag-duty alinsunod sa sinumpaan nilang trabaho. Walo sa mga pulis, kinabukasan ang nag-report. Araguuyyyy! Hak hak hak! At ‘yon ang last straw ni Caramoan.

Si Caramoan ay pinalitan ni dating Station 12 commander na si Lt. Col. Evangeline Cayaban. At ang bagong Station 12 chief ay si Lt. Col. Cenon Vargas, ang dating hepe ng DDEU na pinalitan naman ng kanyang deputy na si Maj. Donelle Brannon. Kaya sa mga opisyales ng MPD, ‘wag tutulog-tulog sa trabaho at baka madaanan kayo ni Paco at tiyak di kayo mapapako sa puwesto n’yo. Abangan!

 

Show comments