General Lee, drug lords naman ang hahabulin!

KAYA hindi nauubos ang droga sa kalye eh kahit nakakulong na itong mga bigtime drug lords ay tuloy pa rin ang pag­bebenta nila ng shabu. Napatunayan ito nang malansag nina Col. Ronald Lee, hepe ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) at Col. Joseph Arguelles, Rizal police director, ang tropa ni Randy Domingo sa isang buy-bust operation sa Cainta. Inaresto sina James Vicencio Conco, 19; Diana Antonio, at Richard Madarang, 43, at nakumpiska sa kanila ang 1.2 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P8.16 milyon.

Halos isang linggo pa lang sa PDEG si Lee subalit nakaiskor kaagad ang mga bataan niya sa tulong ng Rizal police. Kaya hindi nagkamali si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas sa pagtalaga kay Lee sa PDEG dahil malaki ang maiambag nito sa masigasig na kampanya laban sa droga na iniutos ni President Digong. Araguuyyyy! Hak hak hak!

Kung nag-deliber si Lee sa IMEG, tiyak aarangkada rin s’ya sa PDEG para kay Sinas na nakasama niya sa Cebu. 

Sinabi ni Lt. Col. William Santos, hepe ng Rizal police intelligence unit na ang construction worker na si Madarang, alias Lops, ay bataan ni Randy Domingo, na isang drug pusher na nahaharap sa kasong pag-iingat at pagbebenta ng shabu. Si Domingo ay kasalukuyang nakakulong sa BJMP sa Marikina City.

Ayon kay Santos, nakarating sa kaalaman niya ang patuloy na drug pushing business ni Domingo sa pamamagitan ni Madarang kaya kaagad tinrabaho niya ito sa tulong ng PDEG, PDEA PRO4-A at Cainta police. Sinabi ni Santos na ilang beses ding binago ni Madarang ang lugar kung saan katatagpuin nila hanggang masakote sila sa open space ng parking area ng Goldstar Inn sa VV Soliven Ave., sa Bgy. San Isidro, Cainta. Hindi na nakapiyok si Madarang at mga kasama matapos magpakilala sa kanila ang mga pulis, ani Santos. Araguuyyyy!

May katapusan talaga ang masamang gawain, di ba mga kosa?

Sinabi ni Santos na inaalam pa nila kung saan galing ang shabu na inilalako ng mga bataan ni Domingo. Siyempre, kasama na rito kung paano sila nag-uusap tungkol sa ilegal nilang negosyo pati na ang partehan sa napagbentahan ng droga. Hehehe! Magiging busy si Santos sa linggong ito, di ba mga kosa?

Samantala, matapos ma-neutralize ang tropa ni Domingo, sunud-sunod naman ang serbisyo ng arrest warrant ng mga bataan ni Lee sa lahat ng sulok ng bansa at tatlong drug pushers ang itinapon nila sa likod ng rehas na bakal.

Si Lorence Sarno ay inaresto ng PDEG SOU7 sa Purok Tahong, Bgy. 2 Bacolod CIty sa utos ni Judge Maritess Gumahin, ng RTC Branch 51. Walang bail si Sarno.  Si Brujis Bañez ay inaresto naman sa kasong drug pushing Sitio Chinese Pier, Bgy. Pobalcion, Bongao Tawi-Tawi sa utos ni Judge Abdulmuin Pakam, ng RTC Branch 5. May nakalaang P200,000 piyansa sa kanyang pansamantalang paglaya. Habang si Jerry John Yap, 37, na may kaso ding drug pushing ay nasakote sa Kabankalan City sa utos ni Judge Rodney Magbanua ng RTC Branch 61. Iginawad din sa kanya ang P200,000 na piyansa. Hehehe!

Nagsawa na sa kahahabol ng mga tiwaling pulis si Lee, kaya drug lords naman ang hinahanting niya! Abangan!

Show comments