BAGO tuluyang umuwi ay nagdaan muna sa simbahan si Reagan at nagpasalamat sa Diyos sa mga tinanggap na biyaya. Paglabas sa simbahan ay bumili siya ng anim na siopao na pinangako niya sa mga kapatid.
Kaya marami siyang bitbit pauwi. May ulam siyang dala na pabaon ni Sir Abe. Para raw makatikim ang kanyang mga magulang at kapatid. Napakabait talaga ni Sir Abe. Binayaran na siya nang malaki sa portrait ay pinabaunan pa siya. Napakasuwerte niya at nakilala si Sir Abe. Bihira ang makakilala ng katulad ni Sir Abe.
Binilisan niya ang paglalakad. Magaan na magaan at masaya ang kanyang pakiramdam.
Malayo pa siya sa kanilang bahay ay natanaw na siya nina Kennedy, Nixon at Clinton.
Nag-uunahan ang mga ito na sumalubong sa kanya.
“Kuya bumili ka ng siopao?’’ tanong ni Clinton.
“Oo. Alam kong yun ang paborito n’yo.’’
“Yehey!’’
“Marami rin akong dalang ulam. Pabaon ni Sir Abe. Birthday kasi nang namayapa niyang asawa at pinabaunan ako. Ang dami at masarap!’’
“Tamang-tama Kuya, hindi pa kami kumakain dahil hinihintay ka namin,” sabi ni Nixon.
Umakyat sila sa bahay. Naghihintay ang kanyang ama at ina.
Iniabot niya ang mga dala sa kanyang nanay. Sinabi niya kung kanino galing. Binuksan ng inay niya ang nasa supot.
“Ang dami nito, Reagan. Parang pista ang pinuntahan mo.”
“Oo nga po.’’
“Napakabait naman ni Sir Abe,’’ sabi ng kanyang tatay.
‘‘Oo nga po. Sige po kumain na kayo at ako’y busog pa,’’ sabi ni Reagan.
Kumain ang kanyang tatay at nanay at mga kapatid.
Inihanda ni Reagan ang sunod niyang idudrowing.
(Itutuloy)