^

Punto Mo

Maari na bang magpakasal muli kapag 7 taong hiwalay na at wala nang komunikasyon sa asawa?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Higit seven years na po ka-ming magkahiwalay ng asawa ko at hindi ko na rin po alam kung nasaan siya ngayon.  Maari na po ba akong mag-asawa muli? May nakapagsabi po kasi sa aking maari ng mag-asawa muli kapag pitong taon o higit ka ng hiwalay sa asawa mo. —Jerry

Dear Jerry,

Hindi totoo ang narinig mo kaya huwag ka basta-basta maniniwala sa mga ganyang uri ng haka-haka lalo na kung hindi naman abogado ang kausap mo. Sa ilalim ng ating batas, kahit higit 100 taon pang mawalay sa isa’t isa ang mag-asawa ay mananatili silang kasal hangga’t hindi ito napapawalang-bisa ng korte o kung namatay na ang isa sa kanila. Malinaw sa Article 1 pa lamang ng Family Code na ang marriage o kasal ay isang espesyal na kontrata na ukol sa permanenteng pagsasama ng isang babae at lalaki.

Dahil permanente ang kasal, hindi ito basta-basta mawawalan ng bisa dahil lamang sa pisikal na pagkakawalay ng mag-asawa sa isa’t isa. Malinaw na nakasaad sa Article 41 ng Family Code na kailangan ng deklarasyon mula sa korte ng tinatawag na “presumptive death” ng isang asawang nawawala at walang nakaaalam kung nasaan siya o kung ano ang nangyari sa kanya sa loob ng dalawa hanggang apat na taon, depende sa sitwasyon. Tinatawag itong presumptive death dahil ipinagpapalagay ng batas na yumao na ang asawa, dahilan upang magkaroon na ng kakayahan ang kanyang naiwan na makapagpakasal muli.

Hindi naman basta-basta magdedeklara ang korte na yumao na ang isang nawawalang asawa. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Republic v. Cantor, (G.R. No. 184621, December 10, 2013) kailangang mapatunayan na naging masugid ang paghahanap sa nawawalang asawa at ang kawalan ng kaalaman ukol sa kanyang kinaroroonan ay hindi lamang dahil sa kawalan ng komunikasyon sa kanya. Kaya kung pupunta ka sa korte upang ipadeklara ang presumptive death ng iyong asawa ay kailangang maipakita mo na ginawa mo ang lahat upang mahanap siya at malaman ang kanyang kalagayan.

Kailangan ng deklarasyon ng korte ng presumptive death dahil kung wala ito ay walang bisa ang magiging pagpapakasal muli ng naiwang asawa, na maari pang maharap sa kasong bigamy dahil sa pagpapakasal niya ng ikalawang beses gayong sa ilalim ng batas ay nanatili pa rin siyang kasal sa una, kahit pa matagal na itong nawawala.

 

HUSBAND

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with