IKINAGULAT ko minsan bagaman hindi na dapat ipagtaka nang i-“post” ng isang kaibigan sa social media ang isa niyang karanasan nang makatanggap siya ng isang mensahe sa kanyang email address na nagsasaad na alam nito ang kanyang password at ang sekreto niya tulad ng panonood ng mga video sa porn site (babae ang kaibigan ko). Nagbanta ang sender na ipapadala niya sa mga kaibigan at pamilya at ibang contact ng kaibigan ko ang kanyang sex video kung hindi niya ito papadalhan ng $2,500 sa pamamagitan ng tinatawag na bitcoin.
Tila hindi naman pinatulan ng kaibigan ko ang sender ng mensahe. Natatawa na lang siya at nagpalit ng password ng kanyang email account.
Nakatanggap din ako ng ganitong mensahe. Ang malupit, isinaad ng sender o scammer ang isa kong dati at luma kong password bagaman hindi naman niya masabi ang buo kong pangalan. Sinasabi lang niya na may ginawa siyang mga teknikalidad na paraan kaya nalaman niya ang password ko bagaman luma na ito. Tulad ng sa kaibigan kong nabanggit, hindi ko sinagot ang sender. Hindi naman ako mahilig magbukas ng porn site kaya walang saysay na patulan siya. Sa katunayan, wala namang nangyaring masama pagkaraan ng maraming linggo o buwan mula nang matanggap ko ang naturang mensahe.
Isa itong dahilan kaya kailangan ang pana-panahong pagpapalit ng password ng anumang account sa internet dahil sa paglipana ng mga mandurugas dito. At dapat password na hindi madaling mahulaan at lihim na lihim.
Sa junkmail folder ng email ko, madalas makatanggap ako ng email mula sa mga estranghero na ang mga pangalan ay parang tunog na Arabo o Intsik o Africano. Parang sa iisang tao o grupo lang nagmumula ang mga email dahil halos magkakapareho ang paksa – mula daw siya sa Amerika o Afghanistan o France pero nakabase sa Burkina Faso sa Africa, may mataas na posisyon sa isang banko at may nahawakan siyang milyun-milyong dolyar na naiwan ng isang namatay na tao. Paiba-iba ang kuwento ng mga sender pero halos ganito ang kanilang paksa. Nangangailangan siya ng partner sa ibang bansa para sa bank account nito ipadala ang pera at bibigyan daw ako ng porsiyento. Hinihingi niya ang buo kong pangalan, edad, bansang kinaroroonan, numero ng telepono at tirahan. Mga detalyeng kailangan ng scammer para hindi makawala ang kanyang biktima. Kung tutuusin, kahit patulan ang ganitong scammer halimbawa, tiyak na hihingan niya ng pera ang biktima bago umanbo makuha nito ang malaking kayamanan na wala naman talaga. At, dahil naibigay na ng biktima ang mga kailangan nitong detalye, madali na sa scammer na takutin at pagbantaan ang una para bumigay ito.
Isa pang scam iyong mensahe na nagmula umano sa email service provider na nagsasaad na kailangan nilang ma-confirm kung aktibo pa ang iyong account. May tagubilin na buksan ang isang link para sa confirmation dahil, kung hindi, bigla na raw masasara ang account ko. Halata namang peke ito at isa pang uri ng panloloko. Sa palagay ko, hindi lang ako ang nakakatanggap ng ganitong mga email.
Kaya, tulad ng mga ipinapayo ng mga eksperto, huwag basta-basta magbubukas ng mga kaduda-dudang link o website at magbigay ng mga detalye tulad ng password. Maging mapagmatyag laban sa mga manloloko at mandurugas sa internet. At pana-panahong magpalit ng password.
Email: rbernardo2001@hotmail.com