ISANG camel sa China na na-“homesick” ang naglakad mag-isa ng pitong araw sa disyerto upang makabalik sa dati niyang amo na nagbenta sa kanya walong buwan na ang nakararaan.
Ibinenta ang camel ng dating amo nito sa isang pastol na nag-aalaga at nagtitinda ng mga camely noon pang Oktubre ngunit tumakas din ito matapos lamang ang walong buwan.
Sinimulan ng camel ang kanyang solong paglalakbay noong Hunyo 27. Ayon sa Chinese media, puno ng galos ang camel nang marating nito ang lugar ng dati niyang amo.
Natagpuan ng isang pastol sa lugar ang camel at hindi nagtagal ay umabot ang balita sa dating amo ang ginawa ng dati niyang alaga.
Sa huli, nagpasya ang dating amo na kuhanin pabalik ang camel. Bilang kapalit, binigyan na lamang niya ng batang camel ang pastol na tinakasan ng kanyang alaga.
Marahil ay naantig ng camel ang puso ng kanyang amo dahil nangako itong hindi na raw niya muling ipagbebenta ang camel at hahayaan na lang daw niya itong gumala sa kanilang lugar.