Marami pa ring matitigas ang ulo!

May bagong kautusan sa Maynila na ang mga magulang ang papapanagutin kapag nahuli ang kanilang mga anak na kumakalat sa lansangan at patuloy na lumalabag sa ipinatutupad na curfew sa lungsod.

Ibig sabihin kapag ang mga menor-de-edad na anak ang nahuli, ang mga magulang nito ang siyang kakasuhan sa kasalanan ng kanilang mga anak.

Ayon nga kay Yorme Isko Moreno, kailangang masimulan na ang pagpapakulong sa mga iresponsableng magulang.

Kahit pa umano mapuno ang mga kulungan ay hindi sila titigil, mabigyan lang ng leksyon ang mga pabayang parents.

Ginawa ni Yorme ang aksyon dahil sa nakalipas na mga araw na operasyon mahigit sa 1K ang nadakip na lumalabag sa quarantine at health protocol at mga ordinansa na curfew sa lungsod kaugnay sa COVID pandemic.

Karamihan sa mga nadakip kamakailan eh mga minor na tila binabalewala ang panganib ng COVID na puwedeng makuha sa paggala sa lansangan.

Marami talaga ang matigas ang ulo, gaya na lang ng sa Navotas na bukas nga ay magsisi­mulang ipatupad ang citywide lockdown. Tatagal ito ng 15 araw.

Ginawa ni Mayor Toby Tiangco ang aksyon dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID sa lungsod, dahil daw sa mga pasaway at matitigas ang ulo.

Sa ilang lungsod sa Metro Manila may mga ipinatutupad ding paghihigpit laban sa mga pasaway.

Nakakaalarma na kasi ang datos na lumalabas sa kasalukuyan. Pataas nang pataas ang bilang ng mga nagkaka-COVID.

Maging ang mga pribadong ospital ay nagpahayag na puno na ang kanilang hospital beds para sa COVID patients.

Nakikitang dahilan nito ay dahil sa naging relax na naman ang marami makaraang bahagyang luwagan ang quarantine status sa Metro Manila.

Ngayong araw  hihintayin natin ang pahayag ni Pangulong Digong  sa status ng quarantine at ito ang ating aantabayan.

Habang maraming pasaway, mukhang malabo pa talaga tayong makabalik sa inaasahan na normal.

Show comments