Huwag maging mapanghusga
NAG-AWAY ang manugang na babae at kanyang biyenang lalaki. Malakas ang sigawan. Abot hanggang taynga ng mga kapitbahay. Ang biyenan ay nakikitira lang sa kanila. Wala itong trabaho. Wala ring trabaho ang manugang. Ang mister lang ang nagtatrabaho. Sumbat ng manugang sa biyenan: Bakit hindi ka umalis dito sa aming bahay? Pabigat ka lang dito.
Nanggagalaiting sagot ng biyenan: At anong akala mo sa iyong sarili, “pampagaan”? ‘Di ba’t pabigat ka rin sa aking anak dahil wala kang trabaho? Hiyang-hiya naman ako sa iyo!
Ito ang halimbawa ng favorite quotation ni President Abraham Lincoln: Judge not, that ye, be not judged.”
Upang maiwasan ang nakasasakit na pamumuna sa kapwa ay tandaan natin ang sinabi ni Abraham Lincoln tungkol sa isang katotohanan: Ang tao ay hindi lang puro talino, emosyunal din sila at ma-pride.
Kaya delikadong patikimin ng maanghang na kritisismo ang isang tao. Nakasusugat ito ng kanilang pride. Nakakabawas ng sense of importance at nakapagpapakulo ng dugo. Kaya ang tendency ng hinusgahan ay dumampot din ng putik na ikukulapol niya sa mukha ng nanghusga sa kanya.
Ito rin siguro ang dahilan kung bakit maraming celebrities ang nagiging “patulera” o pumapatol sa kanilang social media “bashers”.
Isang chaplain ng provincial jail ang nagsabi na majority ng mga preso dito ay nagsasabing wala silang kasalanan o kaya ay biktima lang ng pagkakataon at pangyayari, kaya huwag daw silang husgahan. Kung ‘yung mga preso ay ayaw mahusgahan, iyon pa kayang kagaya natin na malayang namumuhay?
At saka ingat din sa pamumuna dahil kung ano ang ipinipintas mo sa ibang tao, psychologically, iyon pala ang mismong kapintasan mo.
- Latest