$1-m na nasa gitna ng kalsada sa Virginia, tinurn-over sa pulisya ng nakapulot na pamilya

PINURI ng mga pulis ang isang pamilya sa Virginia matapos nilang i turn-over ang dalawang bag na naglalaman ng $1 milyon (katumbas ng P50 milyon).

Ayon kay Emily Schantz, nasa daan sila ng kanyang pamilya sakay ng kanilang family car nang masagasaan nila ang isang bag.

Ang akala nila, basura lang ang kanilang nadaanan ngunit nagtaka sila nang makakita pa ng isa pang bag sa tabi ng daan.

Iniuwi nila ang parehong bag at binuksan. Nagulat sila nang makita ang limpak-limpak na salapi sa loob. Nang bilangin, nasa $1 milyon ang kabuuang halaga ng mga salapi na nasa dalawang bag.

Sa kabila ng laki ng halaga na kanilang napulot na pera, hindi naman nag-atubili ang pamilya ni Schantz na i-turn over ito sa awtoridad.

Dahil sa kanilang katapatan, lubos ang papuri ng sheriff’s department sa pamilya, na magandang halimbawa raw para sa kanilang komunidad.

Inaalam pa kung saan galing ang mga bag ngunit pinaniniwalaang nahulog ito mula sa isang sasakyang maghahatid sana sa mga salapi papunta sa isang banko.

Show comments