Ang maikling dasal

SI Mang Onet ay gasoline boy sa araw pero janitor ng simbahan sa gabi. Kailangan niyang kumayod nang ganoon katindi, may dalawang siyang anak na nag-aaral sa kolehiyo. Tamang-tama na isang malaking simbahan ang nangailangan ng janitor sa gabi.

Makakauwi na sa bahay si Onet ng alas-dose ng gabi. Bagama’t madasalin, sa sobrang pagod ay hindi na niya makuha pang magdasal nang mahaba bago matulog. Kaya’t ito na lang ang kanyang sinasabi sa Diyos: Salamat po sa lahat ng biyaya. Pagkalapat ng likod sa matigas na papag ay agad itong makakatulog nang wala pang 10 segundo.

Isang gabi ay may mga magnanakaw na nakapasok sa simbahan. Ang pakay nila ay makuha ang antigong gintong korona ng Mahal na Birhen. Hindi nila akalaing may naglilinis ng simbahan kaya binaril nila si Onet. Narinig ng pari ang putok kaya sumilip siya sa simbahan mula sa kanyang tinutuluyang kumbento. Nakita siya ng magnanakaw at pinaputukan din.

Sabay na umakyat sa gate ng kalangitan ang kaluluwa ng pari at ni Onet. Umupo sila sa holding area para hintayin si San Pedro. Agad pinapasok ni San Pedro si Onet. Sinamahan ito ni San Pedro sa pagpasok kaya sinabihan niya ang pari ng: “Maghintay ka lang, sasamahan ko lang siya. Babalikan kita.”

Kaso nagkandatulog na ang pari sa paghihintay pero hindi pa rin bumabalik si San Pedro. Kaya nang bumalik ito ay hindi matiis na magreklamo ang pari.

“Bakit nauna pang papasukin si Onet kaysa akin samantalang wala akong ginawa sa aking buong buhay kundi magdasal, magmisa, at iba pang gawaing simbahan? Samantalang ang Onet na iyan ay hindi ko matandaang umatend ng misa o makita ko man lang na lumuhod sa simbahan kahit sandali para magdasal.”

“Mali ang iyong akala na hindi nagdadasal si Onet. Nauna siyang pinapasok sa langit dahil natuwa ang Diyos sa kanyang one-sentence na panalangin. Maikli ngunit puno ng sinseridad. Sa inyong dalawa, mas puro ang kabutihan ng kanyang puso. Samantalang ikaw, naghintay lang sandali, hinusgahan mo na kaagad ang kanyang pagkatao.”

 

Show comments