EDITORYAL - Isulong ang Balik Probinsiya
PARAMI nang parami ang tao sa Metro Manila. Halos pumutok na sa rami. Halos lahat nang espasyo ay inokupa na. Pati sa mga sementeryo ay may naninirahan. Pati sa mga ilalim ng tulay at pampang ng estero at ilog ay tinayuan ng barung-barong.
Walang tigil ang paghugos ng mga tao sa lungsod at iniiwan ang lalawigan kung saan ay mas mayroon silang kinabukasan at maliit ang tsansang magutom. Pero dahil maraming nagkikislapang bituin at masaya ang Metro Manila, dito nila gustong manirahan, sa kabila na wala naman silang matitirahan at walang makukuhang matatag na trabaho.
Ang makapal na populasyon sa Metro Manila ay napatunayan at malinaw na nakita sa pamamahagi ng relief goods mula nang manalasa ang COVID-19. Naging sentro nang nakamamatay na virus ang Metro. Kasalukuyang nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro at matatapos sa Mayo 31.
Ang sobrang dami ng tao sa Metro Manila ang isa sa mga pangunahing dahilan kaya nilagdaan ni President Duterte ang Executive Order No. 114 na nagtatatag sa Balik Probinsiya Program. Sa pamamagitan ng programa, hinihikayat ang mga nasa Metro Manila na magbalik probinsiya sapagkat doon maraming oportunidad. Mas malaki ang pagkakataon na mapaunlad ang sarili at kanilang pamilya.
Sa ilalim ng Balik Probinsiya, tutulungan ang mga tao na magkaroon ng sariling bahay at lupa na pagtataniman. Pagkakalooban din sila ng tulong pinansiyal. Sinabi ni Balik Probinsiya Executive Director Jun Escalada, mayroon nang 5,000 tao ang may interest na magbalik sa probinsiya. Nagsimula na umano sila ng online application at 5,000 na ang nag-enroll. Ayon kay Escalada, puwedeng mag-enroll sa website balikprobinsiya.ph.
Maganda ang programang ito at sana’y magtagumpay. Hindi sana ito katulad ng ibang programa na inire-relocate lang ang mga tao sa probinsiya at pagkatapos ay iiwanan nang nakanganga at walang ayuda. Idaan din naman sa masusing ebalwasyon ang mag-aaplay sa Balik Probinsiya at baka ang hangad lang ng mga ito ay cash assistance. Kapag naubos na ang cash, babalik uli sa Maynila para mag-iskuwat.
Isulong at seryosohin ang Balik Probinsiya program sapagkat ito ang solusyon para mapaluwag ang Metro Manila. Tara na sa probinsiya kung saan ay maginhawang tumira!
- Latest