EDITORYAL - Ipagpaliban ang pagbubukas ng klase
GUSTO ng Department of Education (DepEd) ay buksan na ang school year 2020-2021 sa Agosto 24. Itinakda ang Hunyo sa pag-eenrol ng mga bata sa public school. Sabi ng DepEd, masyado nang atrasado ang pasukan na dapat ay magsisimula sa unang linggo ng Hunyo pero dahil sa pananalasa ng COVID-19, iniurong ito sa Agosto. Kapag sinimulan ng Agosto 24, 2020 ang school year, magtatapos ito sa Abril 30, 2021. Makakahabol pa rin umano ang mga estudyante kahit atrasado ang pagbubukas ng klase. Pinal na umano ang planong ito, ayon sa DepEd.
Ang plano namang ito ng DepEd ay sinalungat nang marami at isa na rito si President Duterte na nagsabing hindi siya pabor na buksan ang klase lalo’t kasalukuyan pang nananalasa ang COVID-19. Hindi umano siya papayag na mapahamak ang mga estudyante. Dikit-dikit umano ang mga estudyante sa classroom kaya maaaring magkahawahan. Mas pabor siya na magbukas ang klase kung mayroon nang bakuna. Kung walang bakuna, huwag munang magbukas ang klase.
Mayroon namang nagpayo na sa halip na face-to-face ang klase, sa pamamagitan na lamang ng computer o internet ang sistema ng pagkaklase. Ito raw ang isang magandang paraan kaysa naman magtungo sa paaralan ang mga bata na posibleng mahawa ng virus.
Subalit hindi lahat ay mayroong access sa computer. Maraming mahirap sa bansa at walang computer at internet access. Karamihan sa mga bata ay nasa squatters area. Mayroon pa ngang walang kuryente ang mga bahay. Marami sa mga bata ay hindi nga kumakain ng almusal bago pumasok. Paano sila makakasabay sa pag-aaral kung sa pamamagitan ng internet o online ang paraan ng pagka-klase.
Mas maganda kung iurong pa o ipagpaliban pa ng ilang buwan ang pagbubukas ng klase. Maaring buksan ng Oktubre o Nobyembre. Maaaring sa mga buwan na ito ay wala na ang COVID-19. Huwag sa Agosto na masyadong maaga pa at nasa paligid ang virus. Habang hindi pa nagsisimula ang klase, magsagawa ng mga pag-disinfection sa mga paaralan para masigurong ligtas na ang mga estudyante. Siguruhin din na hindi kukulangin ang mga classroom. Maraming magagawa habang hinihintay ang paglaho ng virus sa bansa.
- Latest