Tatay
BATA pa nang maghiwalay ang ama at ina ni Lyn. Palibhasa ay sabik sa pagmamahal ng ama kaya isang araw ay nagpaalam siya sa kanyang ina na magbabakasyon sa probinsiya ng ama. Sa Facebook sila unang nagkaroon ng komyunikasyon. Pagdating sa bahay ng ama, nalaman niyang hindi na pala ito nag-asawa at tanging kasama sa bahay ay kanyang lola at lolo. First time silang nagkitang mag-ama. Sabik na yumakap ang kanyang lolo. Umakbay pa ito sa kanya sabay sabing:
Aba dalaga na pala ang aking apo.
Nadama ni Lyn na tumama sa kanyang suso ang kamay ng kanyang lolo na nakaakbay. Sapol na sapol, parang padakot ang tama ng kamay. Tiyak niyang hindi iyon aksidente. Sinadya talagang damhin ang kanyang suso. Lintek…malisyosa na kung malisyosa. Pero hindi siya puwedeng hipuan ng kahit sino. Hinagip niya ang kamay ng matanda at pahagis niyang inilayo sa kanya. Parang napahiya at nagpaalam na itutuloy ang pagluluto.
Kinagabihan, ikinandado niyang mabuti ang pintuan ng kuwartong ibinigay sa kanya ng ama. Plano niyang umalis kinaumagahan. Ang kanyang idadahilan ay tinawagan siya ng kanyang mga tiya dahil isinugod sa ospital ang kanyang ina. Sakitin ang kanyang ina kaya magiging kapanipaniwala. Wala pang 10 minuto niyang naikakandado ang pintuan nang may kumatok. Tatay niya.
Sana anak komportable ka diyan sa iyong higaan.
Ngumiti lang si Lyn na nakaupo sa gilid ng higaan. Tumabi ang kanyang ama. Ito ulit ang nagsalita.
Buti naman anak at naisipan mong dalawin ako.
Medyo naluluha ang ama. Na-carried away. Yumakap kay Lyn at humalik sa kanyang lips, sabay bulong nang : Mahal na mahal kita anak. Nabigla si Lyn. ‘Di ba’t sa pisngi, noo o ulo lang humahalik ang magulang, hindi sa lips ? Malakas na naitulak niya ang ama.
Sorry ho, pero gusto ko na hong mapag-isa at magpahinga. May diin ang kanyang salita at nilakihan niya ang boses upang magkaroon siya ng otoridad sa kausap. Ginamit niya ang kanyang natutuhan sa voice acting.
Magdamag siyang hindi nakatulog. Sobrang nakaka-trauma ang ginawang “pagsalubong” sa kanya. Alas-singko pa lang ay nakabihis na siya. Ready para umalis. Naramdaman niyang may kumikilos sa kusina. Ang kanyang lola. Ginamit niya ang acting prowess na natutuhan niya sa theatre art class.
Lola kailangan ko nang umuwi. Tumawag si Tita Lita, isinugod ulit si Mama sa ospital, medyo nag-utal-utalan siya para kunwari ay natataranta siya.
Ha? Mag-almusal ka muna. Hintayin mo muna ang Papa mo na magising.
Hindi na po. Sige babay po.
Hindi siya humihinga hangga’t hindi nakakaalis ang traysikel na naghatid sa kanya sa bus terminal. Baka magprisinta pang ihatid siya sa terminal, eh, manyakin pa siya ng ama sa traysikel. Habang tumatakbo ang bus, nakahinga siya nang maluwag. Noon nalulungkot siya at lumaki siyang walang ama. Sa isang saglit na bakasyong iyon, naisip niyang dapat pala siyang magpamisa at magpasalamat sa Diyos nang walang hanggan dahil wala siyang amang nagisnan. Kung hindi, anong saklap nang may ama ka nang rapist, may bonus ka pang lolong manyakis. Yaaaak!
- Latest