NOONG araw, ang iniinom na tubig sa isang bayan sa probinsiya ay diretsong nanggagaling sa bukal na nasa bundok. Ang tubig mula sa bukal ay umaagos patungo sa malaking imbakan ng tubig. Para makaseguro na malinis ang tubig na dadaloy sa bawat tahanan, ang mayor ay kumuha ng tagapangalaga ng imbakan. Siya ang nagtatanggal ng mga dahong nalalaglag sa tubig. Siya rin ang naglilinis ng mga putik o lumot na dumidikit sa gilid ng imbakan. Sa loob nang maraming taon, buong katapatan na naglilingkod ang lalaki bilang tagapangalaga ng tubig ng buong bayan.
Isang araw na nagmiting ang konseho tungkol sa problemang pinansiyal ng bayan, napansin ng konsehal ang ipinapasuweldo sa lalaking tagabantay ng imbakan ng tubig. Sabi nito: Malaki rin ang nababawas sa ating budget para ipasuweldo sa lalaking ito. Malay ba natin kung talagang nagtatrabaho ang taong ‘yan. Mabuti pa ay tanggalin na siya. Ang isinusuweldo sa kanya ay mabuti pang idagdag natin sa budget for health.
Tutol ang mayor na tanggalin ang lalaki pero wala siyang nagawa dahil nang magbotohan ay nanalo ang kagustuhang tanggalin ang lalaki. Napaiyak ang lalaki nang ibalita ng mayor ang desisyong tanggalin siya sa trabaho. “Palibhasa ay mababa lang ang posisyon ko…” naibulong nito sa sarili.
Lumipas ang ilang linggo na walang pagbabagong nagaganap sa tubig na lumalabas sa gripo ng mga residente. Ngunit pagkalipas ng ilang buwan, malabo na ang tubig na lumalabas sa gripo. Ang matindi, mabaho ito.
Pinuntahan ng mga opisyal ang imbakan ng tubig. Halos kilabutan sila sa nakitang nakalutang sa tubig – bulok na dahon at ipot ng mga ibon. Ang sanga ng punongkahoy sa ‘di kalayuan ay humaba at umabot sa gitna ng imbakan. Doon humahapon ang mga ibon kaya diretso ang ipot sa tubig. Sa gilid ng imbakan ay makakapal na lumot. Inamin ng mga konsehal ang kanilang pagkakamali. Muli nilang ibinalik ang lalaki sa kanyang trabaho.
“Do the best you can in every task, no matter how unimportant it may seem at the time. No one learns more about a problem than the person at the bottom.” – Sandra Day O’Connor