EDITORYAL - Higpitan ang mga matataong palengke

HINDI naipatutupad nang maayos ang social distancing­ sa mga palengke sa Metro Manila. Sa kabila na sinasabi ng mga awtoridad, na mahigpit ang pagpapatupad ng pag-aagwat o pagdidistansiya sa mga tao, malaking kabiguan sapagkat dikit-dikit pa rin at ito ang maaring dahilan kaya patuloy ang pagkalat ng COVID-19 at nasa mahigit 4,000 na ang positibong kaso. Sabi ng Department of Health (DOH) noong Lunes, maaaring abutin pa ng hanggang Enero 2021 ang problema sa COVID-19 base sa estimations ng scientists at mathematicians.

Posibleng mangyari ang sinabi ng Health official lalo pa’t nakikita na marami pa ring mga tao ang nagsisiksikan sa mga palengke, talipapa at sa mga nakapila sa groceries. Hindi na naipatutupad ang tamang distansiya at tila balewala na rin ang kautusang manatili sa bahay para mapigilan ang paglaganap ng virus.

Maraming palengke sa Quezon City ang dinagsa ng mga tao noong Linggo at wala nang nagpapatupad ng social distancing. Sa palengke ng Balintawak, tila hindi na kinatakutan ang virus sapagkat siksikan ang mga tao. Ang iba pa ay walang facemask.

Ganito rin ang senaryo sa Muñoz at Novaliches Market na sobrang dami ng namimili noong Linggo. Para bang walang pandemic crisis at walang enhanced community quarantine. Para bang ang mga tao sa palengke ay hindi tatablan ng COVID-19 sa kanilang mga ikinikilos.

Isang buwan na ang pinatutupad ng ECQ at ini-extend pa hanggang Abril 30. Huwag sanang sayangin ang nasimulang pag-iingat. Ipagpatuloy ang pagpapatupad ng social distancing. Hindi pa umaabot sa kasukdulan ang pagkalat ng virus kaya hindi dapat magkumpiyansa o magtapang-tapangan ang nakararami na hindi sila kakapitan nito. Kahapon sinabi ng isang opisyal ng pamahalaan, na posibleng ang mga nakarekober sa sakit ay tamaan muli. Kaya ipinapayo ang pag-iingat sapagkat maaaring bumalik ang sakit. Wala ring pinipili ang sakit -- mapadukha man o mapamayaman, tatamaan.

Sundin ang utos na huwag lumabas ng bahay. Huwag magdikit-dikit lalo sa matataong lugar na gaya ng palengke. Nararapat nang kontrolin ang pagpasok sa mga lugar na ito para maiwasan ang paghahawahan.

Kailangan pa ang todong paghihigpit ngayon sapag­kat kung hindi magkakatotoo ang sinabi ng DOH na aabot pa hanggang Enero 2021 ang pandemic crisis. Nasa mga tao ang solusyon ng problemang ito.

Show comments