EDITORYAL - Bantayang mabuti ang malilikom na pondo
SABI ni President Duterte noong nakaraang linggo, kapag kinapos ang pondo para sa pangangailangan ng mamamayan kaugnay sa pananalasa ng COVID-19, ibebenta niya ang assets ng gobyerno. Ito umano ang last resort niya para maka-raise ng pondo. Kailangan ang pondo para matugunan ang pantawid sa araw-araw ng mga taong naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ). Ini-extend ang ECQ hanggang Abril 30.
Wala raw siyang magagawa kundi ipagbili ang government assets. Ibebenta umano niya ang lupaing kinatitirikan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Philippine International Convention Center (PICC). Ito na lamang daw ang tanging paraan para makalikom ng pondo.
Noong nakaraang linggo, ipinag-utos niya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamahagi na ang may kabuuang P200-bilyon na tulong pinansiyal sa mga mahihirap na pamilya.
Unang nakatanggap ng financial aid ang mga taga-Tondo, Maynila at Parañaque City. Ayon sa Presidente, ang DSWD ang inatasan niyang mamahagi ng cash sa mga mahihirap para hindi na magkaroon ng korapsiyon. Hiniling ng Presidente sa mamamayan na huwag mainip at darating din ang tulong. Hindi umano tumitigil ang pamahalaan sa pag-iisip ng paraan.
Ayon naman sa isang opisyal ng pamahalaan, maaari raw umabot pa sa P800-billion ang malilikom na pondo ng gobyerno para malabanan ang COVID-19 at ang pangangailangan ng mamama-yan na naapektuhan ng lockdown. Ang pondo ay maaari raw kunin sa mga budget ng agencies, unreleased funds, dividends at repurchase deal sa Central Bank. Maaari raw na sapat na ang pondong ito.
Kung totoo ito, hindi na kailangan pang ipagbili ng Presidente ang CCP at PICC para mapondohan ang pangangailangan ng bansa sa dinaranas na pandemic crisis. Pero kung hindi pa rin sapat ang P800-billion, ituloy na rin ang pagbebenta sa government assets lalo’t ang ilan sa mga ito ay wala namang pakinabang.
Gawin ang lahat para makapag-ipon ng pondo at nang magamit sa pangangailangan ng mamamayan. Kapag nakalikom na, huwag namang pabayaan at baka makurakot ang pondo para sa mamamayan. Bantayan ang pondo.
- Latest