Panahon ng sardinas at instant noodles
KARANIWAN nang pangunahing kasama sa mga relief goods na ipinamimigay tuwing panahon ng mga kalamidad tulad ng bagyo, lindol at pagputok ng bulkan ang mga lata ng sardinas at noodles. Hindi siya nawawala sa mga evacuation center at mga relief pack na ipinamimigay sa mga mamamayang nasasalanta ng mga kalamidad.
Kaya hindi na rin kataka-taka na, sa enhanced community quarantine na pinalawig pa hanggang Abril 30 kaugnay ng paglaban sa COVID-19, kasama pa rin ang mga sardinas at noodles sa laman ng mga supot o kahon ng relief packs na ipinamimigay sa bara-barangay. Bukod sa sardinas at noodles, may kasama rin namang corned beef, bigas, kape at gatas.
Walang nakalaang opisyal na impormasyon sa dahilan sa likod ng mga sardinas at noodles na ito. Maaaring dahil madaling kainin ang sardinas na hindi na kailangang lutuin bukod marahil sa mas mura ito. Madali ring lutuin ang instant noodles na mainit na tubig lang ang kailangan para makain. At sapat na para makabusog ang isang tao. Lamang-tiyan din sila, ‘ika nga. Mga pagkain silang praktikal na kainin sa panahon ng mga kagipitan at kalamidad.
Sinasabi naman ng mga ekspertong pangkalusugan na ang sardinas ay nagtataglay ng Omega-3 fatty acids na laban sa sakit sa puso, nakakapagpababa ng blood pressure at maaaring laban din sa kanser.
Gayunman, nakakasama ang sardinas sa mga taong maysakit sa kidney at rayuma dahil sa uric acid na taglay nito. Marami namang sangkap na asin ang delatang sardinas kaya hindi ito inirerekomenda sa mga taong kailangang magbawas sa maaalat na pagkain.
Ang instant noodles ay walang mapapakinabangang sustansiya at hindi inirerekomenda sa mga diabetic. May mga sakit din na idinudulot ang mga instant noodles na ito tulad ng kidney disease at kanser, ayon sa mga pag-aaral, kung kakain nito nang dalawa o tatlong beses sa maghapon. Sinasabi sa mga pag-aaral na kabilang sa sangkap ng instant noodles ay ang tinatawag na anti-caulking agent na isang wax coatingna ginagamit para sa Teflon pans at styrofoam container na dahilan kaya hindi nagkakadikit-dikit ang mga instant noodles. Nananatiling malutong ang instant noodle dahil nilalagyan ito ng hydrogen para tumagal ang buhay. Sinasabi sa pag-aaral na tatagal pa ng hanggang dalawang araw bago malinis sa katawan natin ang naturang wax. Kaya isipin na lang ang wax na maiipon sa digestive system ng masang Pilipino na halos araw-araw pinakakain ng instant noodles.
Kaya nga, hangga’t maaari, ayon na rin sa payo ng ilang doktor, at scientist at ibang health expert, isang beses lang sa loob ng isang linggo kumain ng instant noodles. Kaya isipin na lang ang magiging epekto kung halos araw-araw ay instant noodles ang kinakain ng mga benepisyaryo ng mga relief goods sa mga panahon ng kalamidad o sa panahon ngayon na ang mga tao ay kailangang mamalagi sa kanilang mga bahay para mapigilan ang COVID-19.
Sana nga, sa halip na sardinas at instant noodles o kung hindi ito maiwasan, samahan na rin ng mga masusustansiyang pagkain ang relief goods tulad ng isda, gulay at prutas. Pampalakas din ng immunity laban sa virus ang mga pagkaing ito. Kung posible nga lang, ang mas masustansiyang brown rice sa halip na white rice ang dapat isama sa mga relief goods na pinamimigay.
Email: [email protected]
- Latest