HINDI pa rin lubos na naipatutupad sa mga barangay na dapat ay walang naglalakad o gumagala sa kung saan-saan para mapigil ang pagkalat ng COVID-19. Kahit pa nagbabala ang Department of Interior ang Local Government (DILG) na ang mga punong barangay ang mananagot kapag nakitang marami pa ring mga tao ang nagkukumpul-kumpol at nag-iinuman sa kalye at binabalewala ang enhanced community quarantine.
Kamakalawa, nai-report ang mga lalaking hinuli ng mga pulis sa Sta. Cruz, Laguna habang nag-iinuman sa kalye sa dis-oras ng gabi. Bukod sa mga lalaki, may ilan ding babae na nahuling nakikipag-inuman. Dinala sila sa presinto.
Sa Laguna pa rin, may mga lalaking hinuli ng mga pulis dahil sa paglabag sa curfew. Ang masaklap, piniit sila sa kulungan ng aso. Ayon sa mga pulis, lumalaban umano ang mga naaresto kaya nila kinulong. Nagbanta naman ang mga inaresto na kakasuhan ang mga pulis dahil sa paglabag sa karapatang pantao.
Marami pa ring nasa kalye kahit bawal. Kagaya sa H. Santos St. sa Makati City na nagkumpul-kumpol din sa kalsada ang mga tao na tila hindi natatakot sa COVID-19. Halos katabi lang ng mga nagkumpol na tao ang barangay hall. Hindi marahil nakikita ng barangay chairman ang mga taong halos magkakadikit na at walang pakialam sa social distancing. Nasaan na ipinatutupad na community quarantine?
Habang sinusulat ito, umabot na sa 380 ang kaso ng COVID-19 sa bansa at 25 na ang namamatay. Kung hindi maipatutupad nang maayos ang kautusan, magpapatuloy ang pagdami ng kaso at mayroon pang mamamatay. Nararapat kastiguhin ng DILG ang mga tatamad-tamad na barangay kapitan! Dahil sa kawalan nila ng aksiyon, kumakalat pa ang salot sa maraming lugar.