‘Daan’

“GUSTO kong makita ang aking ina”

Ito ang kahilingan ng lalaking bibitayin na kinabukasan matapos siyang tanungin ng pari kung ano ang huli niyang kahilingan. Simula nang makulong siya sa salang pagnanakaw at pagpatay, hindi na siya naalaalang dalawin ng ina. Kung tutuusin ay malaki rin ang pakinabang ng kanyang ina sa lahat ng kanyang nakulimbat. Naranasan nitong mangibang bansa tatlong beses isang taon. Kapag inaabot ng pagsusuka dahil sa kalasingan, ginagaya nito ang eksena ni Vilma Santos sa isang pelikula kung saan sa bag nitong Hermes ito sumusuka. Kung si Vilma ay nagsusuka dahil sa sakit nito; ang ina niya ay nagsusuka sa sobrang katakawan sa alak.

Ilang oras bago siya bitayin, dumating ang ina ng lalaki. Dahan-dahan itong lumapit sa ina. Inilapit ang labi sa tenga. Ang akala ng pari ay may ibubulong lamang ito pero iba ang nangyari. Kinagat ng anak ang tenga ng ina. Halos humiwalay ang isang bahagi ng tenga sa sobrang diin ng pagkakakagat. Napahiyaw ang ina sa sobrang sakit.

“Walanghiya ka talaga, bibitayin ka na, kung anu-ano pa ang naiisip  mong kawalanghiyaan!” sigaw ng ina habang hawak-hawak nito ang nagdurugong tenga.

“Ganti ko lang ‘yan sa iyo. Noong ako ay bata pa at natututo nang magnakaw ng maliliit na bagay, natatandaan mo pa ba ang sinasabi mo sa akin? Sige anak, sa susunod, mas galingan mo pa para mas dumami ang ating pera. Kung noon pa ay itinanim mo sa aking isip na masama ang aking ginagawa, wala sana ako rito sa kulungan. At mabubuhay pa sana ako ng matagal.”

Hindi nakakibo ang pari sa sobrang pagkabigla. Inakbayan na lang ng pari ang lalaki upang tulungan itong mangumpisal at ihingi ng tawad sa Diyos ang mga nagawang kasalanan.

Proverbs 22:6 - Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, para pagtanda niya, iyon na ang daan na kanyang lalakaran at hindi na siya maliligaw.

Show comments