NAGKUKUWENTO ang isang lalaki sa kanyang kaibigan tungkol sa kanyang lovelife.
“Ang akala ko ay natagpuan ko na ang perfect woman—may magandang mukha, balingkinitan ang katawan, malambing pero nagdalawang isip ako na ligawan siya. Mababa ang kanyang pinag-aralan kaya hindi siya ismarteng magsalita at kumilos.
Pero hindi ako tumigil sa paghahanap. Tuwing ako ang nagbibiyahe : lokal man o abroad, naisisingit ko pa rin ang paghahanap ng aking liligawan at mapapangasawa. May nakilala akong maganda na, matalino pa. Niligawan ko ang babaeng ito. Kahit anim na oras ang biyahe patungo sa kanilang probinsiya, pinagtitiyagaan ko siyang puntahan every week. Humanga sa ipinakita kong sakripisyo kaya sinagot ako. Pero nang “at home na kami sa isa’t isa”, napansin kong magkakontra lagi ang opinyon namin sa isa’t isa. Pati ang simpleng bagay kagaya ng lugar kung saan dapat kami mag-date ay pinag-uugatan ng aming pagtatalo. Parang ang dami lagi niyang opinyon na kontra sa akin. Naisip ko, mahirap magkaasawa ng babaeng matalino at palaban. Napasobra ang talino, gusto’y siya lagi ang tama. Isang araw ay nagpaalam ako. Sabi ko’y mag-cool off muna kami. Hayun, hindi na ako nagpakita. Nakakapagod palang magka-girlfriend na sobrang matalino.
Nagdasal muli ako sa Diyos na makita ko na ang aking ideal girl. Hindi nagtagal ay may nakilala akong babae na sweet, charming ang personality, ismarteng magsalita, nagtapos sa kolehiyo ng Magna cum laude, pero very humble. Napakabait at nadadama ko na magiging perfect housewife siya. ”
“So, ano, malapit ka nang sagutin?”
“Malungkot Pare, tinapat ako, bukod sa mabait ay honest siya at prangkang kausap. Hindi raw niya ugaling magpaasa kaya sinabi niyang hindi ko raw taglay ang qualities ng perfect man na hinahanap niya.”
Napangiti ang kaibigan. Sa loob-loob nito: Akala mo ikaw lang ang may karapatang humanap ng perfect woman, ‘noh!
To demand perfection is a sure way to be disappointed in everybody, for you will be bound to think ill of others. --Monica Fairview