MALUPIT ang batas sa kontrobersiyal na clearing operation. Marami ang umaapela, pumapalag, umaatungal at nanlalaban.
Sa BITAG pa lang, marami nang lumapit, nagsumbong na mga apektado. Karamihan ay mga vendors na umano’y inabuso ng mga operatibang parte ng clearing operation.
Nakakaawa ang kanilang mga istorya na sinaktan sila umano, ninakaw ang kanilang mga paninda at inutang lang ang puhunan. Kapag hindi ka nag-imbestigang maigi, hindi mo makikita ang kasinungalingan sa mga reklamong ito.
Halimbawa, etong isang 68-anyos na vegetable vendor na lumapit sa amin kamakailan lang. Noong wala pang hulihan, sa ilalim ng MRT-Kamuning ang kanyang puwesto at marami na siyang naging suki.
Sinaktan at ninakaw daw ng mga operatiba ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kanyang mga panindang gulay. Nagpapahinga lamang daw siya sa dating puwesto at may dedeliberan siya ng mga gulay.
Alam kong may bahid kasinungalingan ang mga sumbong ni Lola, pero sa kanyang estado ay kailangang sa maayos na paraan maipaintindi ang kanyang pagkakamali. Naunawaan din ito ni Col. Bong Nebrija ng MMDA nang ilapit ko sa kanya ang sumbong.
Sa imbestigasyon ng BITAG, makailang ulit nang sinita at pinagbigyan si Lola pero patuloy pa rin itong bumabalik sa puwesto. Kaya nang magkahulihan kamakailan, tinuluyan na siya ng MMDA.
Walang katotohanang sinaktan siya ng mga operatiba’t ninakaw ang kanyang mga paninda. Ayon sa batas, lahat nang makukumpiskang paninda ay ituturing ng basura.
Malupit ano? Subalit sa pamantayan ng BITAG, nararapat lamang ito lalo sa mga pasaway na paulit-ulit ang paglabag na tila sinusubukan ang batas.
Sa paghaharap, namulat ang nagrereklamo sa kanyang kamalian. Dito makakatulong ang mga lokal na pamahalaan na mabigyan ng legal na puwesto ang mga katulad ni Lola na kinatandaan na ang pagtitinda.
Sabi nga ni Col. Nebrija, ang batas ay batas, walang exemption. Hindi puwedeng ikaw na ang lumabag ay ikaw pa ang gagantimpalaan.
Ihahalintulad ko sa BITAG, kapag ikaw ay napatunayang nang-abuso hindi puwedeng amuin o suyuin kita. Kapag nagmatigas ka pa, may kalalagyan ka na.