KAMING magpipinsang babae sa pamilya ng aking ina ay may kinaaasarang sitwasyon — ang sapilitang pagpapagupit ng buhok sa aming tiyahin. Magkukulot ang aking tiyahin. Iyon ang tawag sa hairdresser noon. Kapag ang ginamit na salita ay “maggugupit”, barbero na ang equivalent noon.
Alam n’yo naman noong araw, lalo na sa probinsiya, ang salita ng matatanda ay itinuturing na “batas”. Isang malaking kasalanan ang mangatwiran, kaya maiimadyin mo kung gaano ka kasamang bata kung hindi ka susunod sa kanilang kagustuhan.
Isa sa batas ng aking ina sa aming magkapatid ay ipagupit ang buhok kung ang dulo nito ay nagsisimula nang “humalik” sa balikat. Hindi pa kasi uso ang shampoo noon kaya parang bunot ang texture ng aking buhok. Dahil parang bunot, hindi maganda ang bagsak kapag humahaba. Kaunting daanan lang ng hangin ay para na akong nakipagsabunutan sa pitong butangera. Noon pa naman ay type ko ang long hair na medyo may malalaking kulot pero hindi talaga uubra dahil tutol hindi lang ang aking ina, kundi ang mismong tiyahin kong hairdresser.
Lahat kaming magpipinsan ay umiiyak kapag ginugupitan ng aming tiya. Malaking isyu sa amin ang pagpapagupit dahil ang tingin namin ay hindi siya magaling maggupit ng buhok. Kahit kami ay mga bata pa, naroon ang aming konsepto na dapat ay patungo sa pagganda ang aming hitsura kapag dumaan sa kamay ng parlorista. Kaso, sa halip na masiyahan, nagngangalngalan kami ng iyak pagkatapos gupitan. Ang tingin ko sa aking sarili ay nagmumukhang lalaki matapos gupitan. Hiyang-hiya akong lumabas ng bahay o pumasok sa school dahil alam kong hindi okey ang aking hitsura.
May isa akong pinsan na mas malakas ang loob kaysa akin na magprotesta. Pagkatapos gupitan ay tinitigan ang hitsura niya sa salamin. Hinipu-hipo ang buhok at umambungal nang iyak tapos hinarap ang aking tiya. “Bakit ganito ang ginupit mo sa akin? Ang pangit ng bangs. Parang bangs ng kabayo ni Tatay. Hu-hu-hu. Kasi gupit nang gupit kahit ayaw naming magpagupit. Tapos papapangitin lang naman kami.”
Pigil na pigil ang paghagikhik ng aking nanay, natatawa rin ang aking tiya. Lingid sa kaalaman ng aking pinsan, ang tiya ko ang inutusan ng kanyang ama na gumupit sa bangs ng kabayo nila.
Nagsalita ulit ang aking pinsan habang pinapahid ang naghalong sipon at luha. “Isusumbong kita kay Tatay. Ang pangit ng gupit mo. Gupit kabayo!” Sabay alis ng parlor. Naging “wake up” call iyon sa aking ina at tiya. Iyon na ang huli nilang pangingialam sa aming buhok.