EDITORYAL - Hangin na may lason, maraming pinapatay
MARUMI ang hangin sa maraming lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila. Maihahalintulad sa Covid-19 (bagong tawag ngayon sa nCoV) ang air pollution sapagkat 27,000 katao ang pinapatay bawat taon. Sa isang pag-aaral na ginawa ng Greenpeace Southeast Asia at ng Center for Research on Energy and Clean Air, ang usok mula sa mga sasakyan na gumagamit ng gasolina at diesel at maging ang mga sinusunog na coal ang dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino. Umaabot naman sa P304 bilyon ang halaga na nawawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa air pollution.
Noong nakaraang taon, sa isang report, sinasabing 120,000 katao ang namamatay bawat taon dahil sa pagkalanghap ng hangin na may lason. Ayon pa sa report, pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na marami ang namamatay sa air pollution. Ang China ang number one at number two ang Mongolia. Karaniwang pinagmumulan ng hangin na may lason ang ibinubugang usok ng mga sasakyan partikular na ang mga dyipni. Tinatayang 80 porsiyento na pinanggagalingan ng air pollution ay mula sa mga hindi nami-maintain na mga sasakyan. Ayon sa report, pinakamalala ang air pollution sa Metro Manila.
Sinabi naman ng Department of Health (DOH) na ang maruming hangin ay nagdudulot ng noncommunicable diseases (NCDs). Kabilang sa mga sakit na nakukuha dahil sa pagkalanghap nang maruming hangin ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Unang tinatamaan ng sakit ang mga pasahero at pedestrians dahil sila ang nakalantad sa maruming hangin. Bukod sa usok ng mga sasakyan, nalalanghap din ang usok ng mga sinunog na basura, goma, plastic at iba pang harmful wastes na delikado sa kalusugan.
Sabi ng isang health official, hindi nabibigyang pansin ng gobyerno ang isyu ukol sa air pollution. Hindi ito binibigyang halaga gayung dapat ay unahin ito sapagkat nakasalalay ang buhay ng mamamayan.
Sa malalang problemang ito sa air pollution, nararapat nang kumilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Gumawa sila ng hakbang para mapigilan at maparusahan ang mga nagpaparumi sa hangin sa Metro Manila. Kung hindi kikilos ang DENR, marami ang unti-unting mamamatay dahil sa paglanghap ng hangin na may lason.
- Latest