NAKAKATAWA ang ginawa ng Philippine Coast Guard sa isang isyu na inilapit ng BITAG noon pang Disyembre 2019. Imbes kasi sumagot sa amin sa BITAG, umiwas, nagtago at bagkus ay nagpalabas na lang ng press release.
Eto ‘yung pulang plaka na Toyota Innova kung saan, ‘yung sakay ay namik-ap ng prosti sa kahabaan ng Quezon Avenue at nag-check-in pa sa isang motel sa may Sct. Chuatoco.
Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na ang naaktuhan naming sasakyan ay naka-assign sa PCG. Bilang kaibigan, agad naming itinawag ito kay Capt. Armand Balilo, Spokesperson ng PCG para iprisinta ang video.
Sagot ni Capt Balilo sa amin noong Disyembre, i-post na lang daw namin ang nakuhanang video sa kanilang Facebook Page. Doon pa lang, nagpakita ng kawalan ng interes ang tanggapan na alamin ang detalye ng aming inilapit.
Iligal ang gawaing naaktuhan ng BITAG na dapat malaman ng taumbayan at maging ng kinauukulan. Paggamit ito sa pondo ng gobyerno para sa pansariling kapritso.
Nasundan pa ito ng ilang tawag, desidido kaming ipakita ang laman ng aming camera sa kinauukulan ng PCG. Subalit bigo kami kaya’t ilang araw bago mag-2020, ipinalabas na ng BITAG ang video.
Unang linggo ng Pebrero, dalawa sa senior investigator ng BITAG ang pinapunta ko sa tanggapan ni Capt. Balilo. Pagkakataon para personal na maibigay ang kanilang panig.
Sagot sa mga tao ko, under preventive suspension na raw ang tauhan ng PCG na naaktuhan ng BITAG na isang uniformed personnel. Hindi raw nila ito puwedeng pangalanan dahil protocol ito ng kanilang investigating unit.
Kinabukasan, nakausap ko pa si Capt. Balilo sa programa ko sa umaga at inaming hindi niya pa kilala ang sinuspindeng tauhan. Nagtataka man ako, pinanghawakan ko ang pangako ni Capt. Balilo na ibibigay niya ang pangalan sa BITAG pagkakuha niya sa PCG investigating unit.
Wala akong masamang tinapay sa inyo sa PCG, sa katunayan, marami na kaming natrabaho ng matagumpay kasama ang tanggapan na ‘yan. Pero hind kami nagpapaloko at ayaw na ayaw ng BITAG sa lahat ay ‘yung sinungaling.
Isang linggo nang nangungulit ang mga tao ko, kung hindi ka makontak ay hindi mo naman sinasagot ang aming mga text at tawag, Capt. Balilo.
Kaya noong Martes, muli akong nagpapunta ng tao sa iyong tanggapan subalit wala ka raw sa opisina ni Admiral Garcia. Nag-iwan na lang kami ng sulat na ni-receive ng mga tao mo.
At noong Miyerkules ng umaga, sa halip na sa BITAG sumagot, nag-press-release ang PCG at sinabing tanggal na ang tauhan. Magaling, magaling! Palakpakan!
Ang sagot ng BITAG, abangan!