Dear Attorney,
Sa kagustuhang makatulong sa aking kuya ay gumawa po ng absolute deed of sale ang aking ama ilang taon na ang nakararaan kung saan nakasaad na ibinebenta na niya sa aking kapatid ang lupang kinatitirikan ng aming bahay. Wala pong binayaran ang aking kuya kahit piso at ito ay para lamang siya magkaroon ng kolateral sa pag-utang niya sa banko. Naaprubahan po ang utang at ngayon nga ay nabayaran na rin niya ang halagang kanyang hiniram sa banko. Yumao na po ang aking ama noong isang taon at ngayong inaayos na namin ang hatian sa mga ari-arian ay nararamdaman po ng iba kong mga kapatid na inaangkin na ng tuluyan ng aking kuya ang lupang kunwaring ibinenta sa kanya ng aming ama. Maari po ba niyang angkinin na ang lupa gayong may deed of sale gayong kunwari lang naman ang kanyang ibinenta?
Martin
Dear Martin,
Matatawag na simulated contract ang naging kasunduan sa pagitan ng iyong kuya at ng iyong ama. Sa ilalim ng Article 1345 ng ating Civil Code, ang isang simulated contract ay maaring absolute o relative. Absolute o lubos na kunwarian lamang ang isang kontrata kung wala talagang intensyon ang mga partido nito na maging saklaw sa mga probisyon nito at sundin ang nakapaloob sa kontrata. Relative naman ito kung mayroong ibang kasunduan sa likod ng kontratang kanilang pinirmahan. Base sa iyong kuwento, mukhang absolute na simulated contract ang napagkasunduan ng iyong ama at kapatid dahil kunwari lang naman ang naging pagbebenta. at ayon sa Article 1346 ng Civil Code ang isang absolute simulated contract ay void o walang bisa.
Kung sakaling angkinin talaga ng iyong kuya ang pag-aari sa lupang kunwaring ibinenta sa kanya ay kailangan n’yong magsampa, bilang tagapagmana ng mga ari-ariang naiwan ng inyong ama, ng kasong magdedeklara sa deed of sale na ginawa ng iyong ama bilang void o walang bisa. Kailangan n’yong patunayan na kunwarian lamang ang naging pagbebentahan sa pamamagitan ng pagpapakita sa korte na wala talagang intensyon ang mga partido na ilipat ang pagmamay-ari ng lupa. Mapapatunayan n’yo ito kung hindi naman agarang inangkin ng iyong kuya ang ari-arian pagkabenta nito sa kanya at hindi rin naman tumigil ang iyong ama sa pag-okupa sa lupa.
Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.