Empleyado na ginigipit ng kompanya, tumakbo sa BITAG
LAST man standing, ilang taon na rin ang nakararaan nang gamitin ko ang salitang ito. Eto ‘yung hamon na sinabi ko noon sa isang aktor na ang kinaya lamang ay ‘yung matanda kong kapatid.
Ibang klaseng last man standing naman ang kolum ngayon. Laro pala ito ng mga may matitibay ang sikmura sa alak o ‘yung mas kilalang drink til you drop game.
Isang empleyado ng IOpex Technologies, tumakbo sa BITAG. Ginigipit daw siya ng kompanya para pabayaran ang 50% na ginastos sa kanya sa ospital na higit P100,000.
Ang larong ito raw ang naging dahilan kung bakit ilang araw siyang comatosed sa ospital noong Disyembre. Ayon sa medical report, alcohol intoxication at upper GI bleeding secondary to esophagitis resolved ang kanyang sinapit.
Eh paano ba naman, mismong HR head ng IOpex na isang Indian national ang nagpasimuno ng larong last man standing. Uubusin lahat ng klase ng alak at ang mananalo ay may premyong P5,000.
Naengganyong sumali ang nagrereklamong empleyado. Kung mananalo raw kasi siya ay pandagdag gastos din ang premyo sa kanyang misis na kabuwanan na ang panganganak.
Nanalo naman si Kolokoy, pero bigla siyang bumagsak at isinugod sa ospital. Ang kanyang hospital bill na P232,000 na binayaran ng kompanya, kinakaltas sa kanyang sahod buwan-buwan.
Simple lang naman ang pakiusap ng empleyado, huwag siyang gipitin sa pagbabayad ng 50% ng gastusin dahil kung tutuusin ay pananagutan ito ng IOpex. Sinubukan naming tawagan ang kompanya pero walang may gustong makipag-usap sa amin.
Matapos maipalabas sa aming YouTube channel ang sumbong, may dumating na sulat sa aking opisina. Galing sa legal counsel ng inirereklamong kompanya ng BPO.
Ang siste, pinatatanggal ang video ng sumbong sa YouTube dahil inaccurate and one-sided, inaccurate if not utterly false daw ito. Mag-public apology daw ako dahil sa mga disturbing and embarrassing remarks ko laban sa kompanya.
Kung hindi ko raw gagawin ang lahat ng ito, they will file the appropriate action against me and my program. Oh really now? Huwag n’yong tinatakot ang BITAG!
Unang- una, sinubukan naming makipag-ugnayan sa inyong tanggapan para linawin ang reklamo. Tumawag kami’t pinagpasa-pasahan, walang gustong makipag-usap.
Ikalawa, may nagrereklamo, hindi galing sa akin ang detalye ng sumbong. Eh kung hindi ba naman kayo mga sandamakmak na kenkoy, kung sinagot n’yo ang reklamo, tapos na sana ang usapan.
Ikatlo, ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN), mali ang kompanya sa pangunguna nitong magpasimuno ng larong maglalagay sa empleyado sa peligro. Anumang aktibidades kung saan involved ang kompanya, responsibilidad nitong panatilihing ligtas ang mga manggagawa.
Ikaapat, mismong Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagsabing isang lame excuse ang sisihin ang empleyado dahil voluntarily etong sumali sa laro. May accountability ang kompanya dahil company party man ang aktibidades, it’s still considered as working hours.
Ikalima, nitong Biyernes, ipinadala ng BITAG sa APV Law ang sulat kasagutan ko sa hiling ng inyong kliyenteng IOPEX Technologies. Imbitasyon ito na linawin o sagutin ang reklamo o ipagtanggol ang inyong kliyente sa aming programa.
Para sa patas na pamamahayag, ibinibigay ulit ng BITAG ang pagkakataong maipahayag ang inyong panig. Tumanggi kayo nung una, magbubukas kami ng pinto sa pangalawang beses.
- Latest